SA nakalipas na limang taon, itinataguyod ng Pilipinas ang industriya ng turismo nito sa tulong ng slogan na “It’s More Fun in the Philippines”. Nakatulong ito upang mapasigla ang dagsa ng mga turista sa bansa, sinabi ni Tourism Secretary Wanda Teo sa pagsisimula ng bagong administrasyon noong Hunyo 2016.
Gayunman, nitong Araw ng Kalayaan, Hunyo 12, ay inilunsad ng Department of Tourism ang bago nitong slogan na “Experience the Philippines”. Inisip ng ilang opisyal ng DoT na dahil sa hindi magandang nangyayari sa bansa sa nakalipas na mga buwan — ang mga pamamaslang dahil sa kampanya kontra droga, ang panununog sa Resorts World, at ang bakbakan sa Marawi City na nagbunsod sa deklarasyon ng batas militar sa Mindanao — posibleng hindi tumugon ang mga turista sa slogan tungkol sa “fun”.
Subalit ang bagong TV commercial sa bagong “experience” slogan na nagtatampok sa isang bulag na turistang Japanese ay kaagad na inulan ng batikos dahil sa panggagaya umano sa kampanyang pangturismo ng South Africa. Itinampok sa parehong kampanya ang isang turistang bulag na nagsasabing hindi kinakailangang makita ng isang turista ang sikat ng araw, o ang isla, o ang mga tao upang madama ang saya at kagandahan ng bansa.
Kabilang sa mga bumatikos si Sen. JV Ejercito, ang chairman ng Senate Committee on Tourism, sinabing dapat na pinanindigan na lang ng DoT ang dating kampanya. Ayon naman sa DoT, patuloy na gagamitin ng kagawaran ang “It’s More Fun in the Philippines”, at magsisilbing supplementary slogan ang “Experience the Philippines” upang makahimok ng mas maraming turista, anuman ang narinig o nabasa nila sa mga balita tungkol sa Pilipinas.
Pinabulaanan naman ng Malacañang na naitataboy ang mga turista sa mga huling pangyayari sa bansa. Sa kabila ng resulta ng World Economic Forum (WEF) 2017 report na nagsasabing ika-11 na ang Pilipinas sa mga pinakamapanganib na bansa sa mundo — tumaas mula sa ika-128 noong 2015 — sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella nitong Huwebes na tuluy-tuloy na tumataas ang bilang ng mga turistang nagtutungo sa bansa. Mayroong 1.78 milyong bumisita sa Pilipinas simula Enero hanggang Marso 2017, aniya, tumaas mula sa 1.6 milyon sa kaparehong panahon noong 2016.
Maaaring napapagitna ngayon sa matitinding hamon ang ating bansa, partikular na sa pagpapatuloy ng kaguluhan sa Mindanao, ngunit masaya tayong hundi nagmamaliw ang mga opisyal ng DoT sa pagpapatupad ng mga programa ng kagawaran para sa ikasisigla pa ng turismo. Kailangan lamang nilang maging maingat upang matukoy ang mga pagkakapareho ng magandang ideya ng isang bulag na turista na “nakakikita” sa kagandahan ng ating bansa, sa tourism campaign ng ibang bansa. O mas mainam na ikonsidera nila ang payo ni Senator Ejercito—na subukan nilang gamitin ang ideyang “distinctly Filipino” sa kanilang kampanya.
Para sa mga turista mula sa iba’t ibang panig ng mundo, tuloy pa rin ang imbitasyon: Tara na, experience the Philippines.