Ni: Marivic Awitan
MULA ng magsimula sa kanilang kampanya noong nakaraang taon sa noo ‘y Shakey’s V League Open Conference, nagpakita na nang dominasyon ang Pocari Sweat.
Pagkatapos magwagi sa inisyal nilang pagsabak, nasundan pa ito ng isa pang kampeonato sa Reinforced Conference na matagumpay nilang naipagtanggol sa katatapos na Premier Volleyball League Reinforced Conference makaraang gapiin ang Bali Pure Water Defenders sa Game 3 ng finals noong Huwebes ng gabi ,20-25, 25-17, 25-17, 25-18 sa FilOil Flying V Centre.
Naging maningning ang import na si Krystal Rivers na siyang pumalit sa na-injured na si Edina Selimovic dahil siya ang naging susi sa panalo matapos magtala ng game-high na 27 puntos na binubuo ng 22 attacks, apat na blocks, at isang ace.
Bagamat nabigo sa Game 2 ng finals, hindi pinanghinaan ng loob ang Pocari at sa halip, mas naging agresibo pa nitong Game 3 at ipinakita ang matinding determinasyong manalo.
Katunayan, naging mainit ang simula ng Lady Warriors sa pamumuno ng American import na si Rivers. Sa kabila ng naunahan sila ng Balipure sa first set sa pamumuno ni Thai import Jeng Bualee at maging sa paulit -ulit na pagtatangka ng Water Defenders na agawin ang kontrol ng laro sa sumunod na tatlong sets ay hindi bumitaw ang Lady Warriors.
Nagpakita ng matinding depensa sa floor at sa net na sinabayan pa ng mahusay na serving, tuluyan nang napahinuhod ng Pocari Sweat ang Balipure sa fourth frame nang agad itong layuan upang tiyakin ang tagumpay sa iskor na 22-14.
Dahil dito, nakumpleto ng Lady Warriors ang pag-ukit ng bagong pahina sa aklat ng kasaysayan ng V League National perpektong 3-of-3 sa tatlong conferences na naglaro sila sa liga.