06142017_DavaoMishap_06_KeithBacongcoo copy

Ni: FER TABOY at YAS OCAMPO

Patay ang 10 pasahero ng isang UV Express van makaraang bumangga ang sasakyan sa isang truck sa Davao City, kahapon ng madaling araw.

Ayon sa report na tinanggap ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame mula sa Davao City Police Office (DCPO), dakong 5:00 ng umaga nang mangyari ang aksidente sa Barangay Mahayag Tibungco ng lungsod.

Human-Interest

Pambato ng Pilipinas sa research competition sa Taiwan, waging first place

Batay sa ulat ng DCPO, bumangga ang UV Express van, na biyaheng Moncayo, Compostela Valley-Davao, sa isang six-wheeler truck.

Sa lakas ng impact ng banggaan, kaagad na nasawi ang siyam na pasahero, habang sa ospital na binawian ng buhay ang isa pa.

Sa Southern Philippines Medical Center (SPMC) isinugod ang nasa 13 nasugatan, at napaulat na 11 sa mga ito ang kritikal.

Pansamantalang hindi kinilala ang mga biktima habang hindi pa naipararating sa kanilang mga pamilya ang nangyaring aksidente.

Kaugnay nito, tinuligsa ni Vice Mayor Paulo Z. Duterte na ang hindi tuluy-tuloy na pagpapatupad ng traffic code sa siyudad, na sinisisi niya sa aksidente.

“Dugay ug gikapoy na ko cge pahinumdum sa LTO, LTFRB, ug CTTMO nga disiplinahon ang mga van drivers entering Davao ug mga bus drivers ug labi na mga jeep nga Toril ang biyahe (Napaalalahanan ko na kayo, ilang beses na, na disiplinahin ang mga van driver na pumapasok sa lungsod, kabilang ang mga bus driver at iyong mga jeepney driver na mula sa Toril),” sabi ni Duterte.

Aniya, hindi epektibong naipatutupad ng mga traffic enforcer mula sa City Transport and Traffic Management Office (CTTMO), Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang ordinansa sa speed limit.

“Karon nga naa napod nangamatay mag-atik atik napod mo og dakop. Mao di madakpan ni mga van kay naay under the table sa mga traffic officers (Ngayong namatay na ang mga tao magpapanggap kayong mag-aaresto uli ng mga driver. Hindi nahaharang ang mga van dahil tumatanggap kayo ng lagay),” anang bise alkalde. “Yes that is an accusation because I have informants.”

Ayon kay Duterte, bibihira ang naiuulat na aksidente noong ipinatutupad pa ang speeding ordinance sa Davao City.