BAGUIO CITY - Aprubado na ng Sangguniang Panglungsod ng Baguio City ang anti-bullying ordinance, at ipatutupad kasabay ng pagbubukas ng klase sa siyudad.
Sa pamumuno ni Vice Mayor Edison Bilog, inaprubahan ng konseho ang nasabing ordinansa kasabay ng pagbabalik-eskuwela nitong Hunyo 5.
Saklaw ng anti-bullying ordinance ang cyber-bullying, emotional bullying, physical bullying, psychological bullying at sexual bullying.
Ang mapatutunayang lumabag sa nasabing ordinansa ay mahaharap sa isa hanggang anim na buwang pagkakabilanggo at pagmumulta ng hanggang P5,000.
Isa sa mga pangunahing nakasisira sa pag-aaral ang bullying.
“Mahirap ang ma-bully lalo na’t mahina ang loob ng isang estudyante, na magiging dahilan ng kawalan ng interes sa pag-aaral,” anang isang estudyante sa Baguio National High School. (Rizaldy Comanda)