CEBU CITY – Pinaghahanap kahapon ng mga operatiba ng Regional Intelligence Division (RID) ng Police Regional Office (PRO)-7 ang bangkay ni Bien Unido, Bohol Mayor Gisela Boniel, na sinasabing dinukot at pinatay nitong Miyerkules ng madaling araw.

Sinabi kahapon ni RID-7 chief Col. Jonathan Cabal na masusing hinanap ng mga pulis kahapon sa karagatan ng Bohol ang bangkay ng alkalde kung saan napaulat na itinapon ito matapos barilin sa ulo.

Kaagad namang inaresto ng pulisya ang asawa ng mayor, si Board Member Niño Rey Boniel, na itinurong suspek sa krimen.

Probinsya

Dating barangay captain sa Catanduanes, dinukot at pinagnakawan ng kalalakihan

Kinumpirma naman ng bokal na patay na ang kanyang misis, ngunit hindi na nagbigay ng iba pang detalye.

Sinabi ng isa sa mga testigo, ang kaibigan ng mayor na si Angela Leyson, na dinala siya ng suspek at ang misis nito sa isang beach house sa Bohol. Gayunman, sinabi ni Leyson na may pumalo sa kanyang ulo at nawalan siya ng malay.

Ayon kay Leyson, dinala umano siya ng bokal at dalawa pang lalaki sa Tubigon kung saan siya pinosasan at binusalan kasama ng anak niyang lalaki. Pinalaya sila ng tatlo, aniya, ngunit binilinang huwag magsusumbong sa pulisya.

Ngunit kaagad na nagsumbong sa pulisya si Leyson at mabilis na naaresto ang suspek.

Hindi pa malinaw ang dahilan ng krimen, ngunit sinabi ng mga source na nagalit umano si Niño Rey nang mabatid na nagpautang ng mga relo ang alkalde na nagkakahalaga ng P2.5 milyon. (Mars W. Mosqueda, Jr.)