TOTOONG kabalintunaan na ang pangunahing nagdudulot ng polusyon sa hangin, ang Amerika, ang mismong tumanggi sa anumang pakikibahagi sa pandaigdigang kasunduan upang igiit na limitahan ang pagbubuga ng carbon dioxide ng mga industriya upang mapigilan ang higit pang pagtaas ng temperatura.
Inaprubahan ang Paris Agreement on Climate Change ng mahigit 190 bansa, kabilang ang Pilipinas, noong Disyembre 2015, at bawat bansa ay nagsumite ng sarili nitong mga hakbangin bilang kontribusyon sa pangkalahatang layunin na limitahan ang pagtaas ng pandaigdigang temperatura sa wala pang 2 degrees Celsius. Bago pa malagdaan ang pinal na kasunduan, nagsilbing halimbawa ang Amerika at China, ang dalawang pangunahing nagdudulot ng polusyon sa mundo, nang lumagda sila sa isang bilateral agreement kaugnay ng kani-kanilang pangakong pag-aksiyon laban sa climate change.
Nitong Huwebes, tuluyan nang tinalikuran ng Amerika, sa pamumuno ni President Donald Trump, ang kasunduan sa Paris.
Sinabi ni Trump na masyadong maluwag ang nasabing kasunduan sa ibang mga bansa, partikular na sa China, India at Europe. Aniya, paninindigan niya ang “America First”, malinaw na tinukoy ang coal industry ng Amerika na matagal nang nagdurusa sa tuluy-tuloy na pagdami ng gumagamit ng renewable energy sa mundo.
Pawang nagpahayag ng pagkadismaya sa naging pasya ni Trump ang mga pangunahing kaalyado ng Amerika sa Europe—ang France, Germany, at Italy. Maging ang ilan niyang opisyal sa Washington, DC, ay nagpahayag din ng kani-kanilang pagkabahala, at nakagugulat na kabilang sa kanila ang mismong anak niya na si Ivanka Trump. Idineklara naman ng mga gobernador ng California, New York, at Washington na itutuloy nila ang planong ipatupad ang mga programa ng estado upang bawasan ang carbon emissions.
Partikular na nababahala si dating Secretary of State John Kerry—na naging kinatawan ng Amerika sa mga negosasyon na nagbunsod sa pagkakaisa at pag-apruba sa Paris Agreement—sa pagkalas ng Amerika sa nasabing kasunduan. Aniya, tuluy-tuloy ang pagkatunaw ng mga glacier sa mga polar region at sa Greenland, at tinaya ng mga siyentista na magdudulot ito ng pagtaas ng karagatan ng mula anim hanggang siyam na metro. Isa ang Pilipinas sa mga bansang nangunguna sa pandaigdigang kampanya para sa Paris Agreement; bilang isang islang bansa, kabilang tayo sa mga unang maaapektuhan sa pagtaas ng karagatan.
Bukod sa mahahadlangan ang pandaidigang pagsisikap para sa isang mas malinis, mas makakalikasan, at mas ligtas na mundo, ang desisyon ni President Trump ay maaaring magbunsod ng pagbabago sa samahan ng mga bansa. Napaulat na naghahanap na ng mas epektibong pamumuno ang mga dismayadong bansa sa Europa, at nakatuon sa Asya ang atensiyon nila.
Sinasabing partikular na may malaking papel dito ang China.
Bumuo ng alyansa nitong Biyernes ang China at ang European Union upang pangunahan ang mga pagbabagong ipatutupad ng mga bansa para sa pandaigdigang ekonomiya na may mababang carbon emissions.