MAY namumuong krisis sa Korea.
Isang linggo ang nakalipas matapos na magsagawa ng ilang ballistic missile test na pumuntirya, ayon sa mga opisyal ng North Korea, sa pusod ng Amerika, inihayag ng bansa ang maramihang produksiyon ng bagong new anti-aircraft weapon system at ang pagpapakalat nito sa buong bansa.
Matagumpay din nitong nasubukan ang isang intermediate-range missile, ngunit ang pangunahing programa nito sa depensa, ayon sa mga opisyal, ay ang pagkumpleto sa isang nuclear-armed long-range missile na aabot sa Amerika. Kung hindi mapipigilan, ang North Korea ay nasa “inevitable path” sa pagsasakatuparan sa hinahangad nito, babala ng pinuno ng US Defense Intelligence Agency.
Ipinag-utos ngayon ni President Donald Trump sa ikatlong aircraft carrier — ang USS Nimitz — na magtungo sa West Pacific kung saan naroon ang dalawang malalaking barkong pandigma ng Amerika kasama ang mga attack group nito. Una nang pinapuwesto sa lugar ang USS Ronald Reagan, kasunod ng USS Carl Vinzon. Pambihira para sa Amerika ang magpadala ng tatlo sa pinakamalalakas nitong puwersa sa iisang lugar sa mundo, ayon sa newscaster ng Voice of America.
Ang tuluy-tuloy na pagbatikos ng North Korea laban sa Amerika ay matagal nang hindi pinapansin ng huli. Gayunman, makaraang mahalal si President Trump noong Nobyembre, malinaw siyang nagpahiwatig na tutugunan niya ang problema.
Una, hiningi niya ang pamamagitan ni President Xi Jinping ng China, ang pangunahing kaalyado ng North Korea sa Asia.
Gayunman, mistulang nabigo ang mga pagsisikap ng China na pigilan ang mga hakbangin ng pinuno ng North Korea na si Kim Jong Un.
Nitong Abril, ginulat ni President Trump ang mundo nang inutusan niya ang dalawang US destroyer na nasa Mediterranean Sea na magpaulan ng Cruise missiles sa isang paliparan sa Syria kung saan nagmula ang mga eroplano ng gobyerno na nagsagawa ng chemical weapons attack sa mga rebelde at sibilyan sa Syria. Makalipas ang isang linggo, ipinag-utos niya ang pambobomba sa mga kuweba at tunnel na pinagkukutaan ng mga terorista ng Islamic State sa Afghanistan.
Malinaw na ipinakakahulugan nitong hindi magiging tulad ng mga nauna sa kanya ang bagong presidente, na naging polisiya ang pagpapauwi sa mga Amerikanong nakikipaglaban sa Iraq at Afghanistan. Binigyang-babala na ni Trump ang China tungkol sa kanyang intensiyon, gaya ng nagbabala muna siya sa Russia bago binomba ang Syria.
Ngayong pinangungunahan ng tatlong dambuhalang aircraft carrier ang puwersa ng Amerika na nakapuwesto sa silangang karagatan ng Korea, asahan nating kikilos na si President Trump anumang oras. Umasa na lamang tayo na limitado lamang ang magiging pag-atake, gaya sa Syria at Afghanistan, upang maiwasan na maging malawakan ang epekto nito sa bahagi nating ito sa planeta.