SA pagpapatuloy ng mga negosyador ng gobyerno at ng National Democratic Front (NDF) sa usapang pangkapayapaan ngayong linggo sa Noordwijk Ann-see, Netherlands, mananaig ang kawalang katiyakan at maging ang tensiyon sa ikalimang paghaharap na ito.
May panahong hindi tiyak ng magkabilang panig kung maghaharap pa silang muli makaraang kanselahin ni Pangulong Duterte ang negosasyon noong Pebrero kasunod ng mga pag-atake ng New People’s Army (NPA) sa iba’t ibang panig ng bansa dahil sa pagtanggi ng pamahalaan na palayain ang nasa 400 political prisoner. Matapos ang ilang hindi pormal na pag-uusap, nagkasundo ang dalawang panig na muling magharap sa ikalimang negosasyon sa Mayo 26 hanggang Hunyo 2.
Ngunit nitong Martes, nagdeklara si Pangulong Duterte ng batas militar sa Mindanao, at inihayag kinabukasan na maaaring palawakin niya ang saklaw nito sa buong bansa kung lalabas sa Mindanao ang banta ng terorismo ng Maute Group. Kaagad namang tumugon ang Communist Party of the Philippines (CPP) at inihayag sa website nito ang direktiba sa NPA na paigtingin pa ang mga opensiba sa bansa.
Matagal nang problema ang ugnayan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at ng CPP-NPA, kaya marahil nagpatuloy ang rebelyon ng NPA sa nakalipas na 47 taon. Kumpiyansa sa kanyang ugnayan kay Jose Ma. Sison, ang nagtatag ng CPP at ngayon ay pangunahing political consultant ng NDF, si Pangulong Duterte kaya isinulong niya ang usapang pangkapayapaan at inimbitahan pa ang kilusan na magrekomenda ng ilang miyembro ng gabinete. Ngunit nilinaw ni Sison, sa panayam sa kanya kamakailan ng Manila Bulletin, na kinakatawan lamang ng negotiating panel ang CPP-NPA, na may mahalagang pasya sa anumang usapin.
At sa nasabing direktiba ng CPP na paigtingin pa ng puwersa ng NPA ang mga pag-atake bilang tugon sa pagdedeklara ng batas militar, ano na ngayon ang mangyayari sa negosasyong pangkapayapaan?
Pinuna ni Secretary Silvestre Bello III, chairman ng negotiating panel ng gobyerno, ang naging reaksiyon ng CPP, sinabing mali ang pagkakaunawa ng partido sa nabanggit na proklamasyon. Hindi ang NPA ang pinupuntirya ng batas militar, giit niya kundi ang Maute, na naiimpluwensiyahan ng mga teroristang Islamic State. Maaaring ikatwiran ng CPP na sa batas militar, maaapektuhan ng mga operasyon ng gobyerno na walang normal na proseso ng hustisya ang lahat ng kalaban ng Sandatahang Lakas.
Tiyak na pagsisikapang linawin ang ilang usapin sa ikalimang paghaharap ng mga negosyador sa Netherlands ngayong linggo. Sasabihin ni Bello at ng iba pang panelists ng pamahalaan sa mga negosyador ng NDF na hindi dapat na mangamba ang CPP-NPA sa batas militar. Hindi naman tiyak kung maiintindihan ng NDF panel ang lohika nito. Anuman ang kahinatnan, gaya ng una nang nilinaw ni Sison, ang CPP-NPA sa lugar ng labanan ang magdedesisyon.
Matapos ang lahat ng usaping napagkasunduan sa unang apat na negosasyon, labis na nakapanghihinayang kung mauuwi lang sa wala ang lahat ng kanilang pinagsikapan.