CONCEPCION, Tarlac – Isa siyang reincarnation ng demonyo.

Ito ang paglalarawan ni Supt. Luis Ventura, Jr., hepe ng Concepcion Police, sa lalaking inaresto nila kamakailan dahil sa paulit-ulit umanong panghahalay sa kanyang walong taong gulang na anak na babae, gayundin sa anak niyang binatilyo.

Sa kanyang report kay Tarlac Police Provincial Office director Senior Supt. Ritchie Posadas, sinabi ni Ventura na ang suspek ay isang 57-anyos na ama mula sa Barangay Corazon De Jesus sa Concepcion.

Sinadyang hindi pinangalanan ang suspek upang maprotektahan ang pagkakakilanlan ng kanyang mga biktima, na sarili niyang mga anak.

Probinsya

15-anyos na dalagita, patay matapos umanong gahasain ng 13 lalaki

Ayon sa pulisya, nabunyag ang “malademonyo” na pang-aabuso ng suspek sa kanyang mga anak nang dumulog ang bunso niyang anak na babae, kasama ang tiyahin—kapatid ng ina ng mga bata—sa himpilan ng pulisya upang isumbong ang suspek.

Kuwento ng walong taong gulang na biktima sa mga pulis, paulit-ulit umano siyang hinalay ng kanyang ama, idinagdag na hindi na niya kayang bilangin sa mga daliri ng magkabila niyang kamay kung ilang beses siyang ginahasa ng suspek.

Madalas na natutulala at halatang nasa “state of traumatic shock”, nakumpirma sa resulta ng medico legal sa paslit na ginahasa ito at may “multiple lacerations” sa ari.

Ayon naman sa tiyahin ng bata, na tumigil na sa pag-aaral, maging ang nakatatanda nitong kapatid na lalaki, edad 13, ay hinalay din ng sariling ama.

Kuwento ng batang babae sa tiyahin: “Pinapasok niya (suspek) t*** niya sa puwet ng kuya ko.”

“Napakanatural at napaka-inosente ng pagkakakuwento ng bata, kaya inaresto namin ang suspek,” sabi ni Ventura. “Kung hindi man sira ang ulo niya (suspek), reincarnation siguro siya ng demonyo. Sa ginawa niya sa mismong mga anak niya, baka gawin din niya ‘yun sa iba.”

Kaharap habang isinasagawa ang imbestigasyon, tumanggi namang magkomento sa krimen ang ina ng mga bata, bagamat nabanggit niyang sinasaktan siya ng suspek kapag hindi niya ito nabigyan ng pagkain.

“Binubugbog niya (suspek) ako kung wala akong dalang pagkain,” kuwento ng ginang, na inaming lulong sa ilegal na droga ang mister niya kahit wala naman itong trabaho. (MAR T. Supnad)