PITUMPONG taon ang lumipas makaraang gawing kapaki-pakinabang ng mga maparaang Pilipino ang military jeep ng Amerika noong panahon ng pananakop bilang ang pampasaherong Pinoy jeepney sa bansa, nananatili ang presensiya nito sa buong kapuluan. Maaaring asahan na higit nang mamamayagpag ang mga modernong bus at tren sa malalaking siyudad gaya ng Metro Manila sa panahon ngayon, ngunit patuloy na naghahari sa mga kalsada ang mga jeepney, na nagkataon namang malaki ang naiaambag sa problema sa pagsisikip ng trapiko.
Ang mga pagpupursigeng igarahe na sa pagreretiro ang mga jeepney bilang pampasaherong sasakyan sa lungsod ay tinumbasan ng mga organisadong pagtutol mula sa mga tsuper ng jeep at kanilang kinaaanibang mga grupo, na tiyak na mawawalan ng kaisa-isa nilang pinagkakakitaan. Sa bawat isang jeepney sa bansa, may dalawa hanggang tatlong tsuper na nagrerelyebo sa pamamasada sa partikular na mga ruta upang buhayin ang kani-kanilang pamilya. Dahil dito, ang pagreretiro sa mga jeepney ay magdudulot ng napakalaking problema sa trabaho.
Ito ang dahilan kaya tinawag ito ni Finance Secretary Carlos Domingues III na isang “politically challenging problem”. Maaaring sabihing ang jeepney ay isang “inefficient dinosaur” na dapat nang magbigay-daan sa mga mas modernong sasakyan na may mas malinis, mas hindi nakaaapekto sa kalusugan, mas ligtas, at mas tipid sa gasolinang makina. Ngunit hanggang hindi napapabuti ang programa ng gobyerno sa trabaho, mananatili sa pamamasada ang mga jeepney.
Magbubukas naman ang Landbank ng isang P1-bilyon credit facility para sa sisimulang proyekto na layuning palitan ang paunang 650 jeepney na gagastusan ng P1.5 milyon bawat isa. “There will be political resistance, no doubt, from those who do not wish change... We must convince the jeepney drivers and operators that this is the way to go. They must understand that the financing package will make the shift affordable,” sabi ni Secretary Dominguez.
Sakaling magtagumpay ang pinaplanong modernisasyon, makatutulong ito sa laban ng bansa kontra climate change, dahil tuluyan nang maigagarahe ang napakaraming lumang makina na nagbubuga ng sangkatutak na carbon dioxide na malaki ang naiaambag sa patuloy na pagtaas ng temperatura sa mundo. Ngunit ang higit na kaiga-igayang pagbabago para sa atin ay ang pagbuti ng sitwasyon ng trapiko kapag pinalitan na ang daan-daang libong lumang jeepney ng mas malalaking sasakyan na ubrang magsakay ng mas maraming pasahero.