NABUNYAG kamakailan at ikinagulat ng marami nating kababayan ang pagkakaroon ng lihim na kulungan o selda sa Manila Police District (MPD) Station 1 sa Tondo, Maynila. May 12 drug suspect ang nakakulong doon. Siksikan.
Ang lihim na kulungan ay natuklasan ng mga taga-Commission on Human Rights (CHR) matapos itimbre sa nasabing ahensiya. Ang kulungan ay tinawag ng iba nating kababayan na “lihim na impiyerno” sapagkat bukod sa masikip ay walang ventilation at working toilet. Mabaho. Parusa sa mga nakukulong ang pag-jingle at pag-ebak. May nagtanong tuloy tayong mga kababayan na: Hindi kaya nag-constipate ang mga preso?
Natuklasan pa sa imbestigasyon na ang mga nasa lihim na selda ay hindi naka-blotter ang mga pangalan matapos na sila’y hulihin ng mga pulis sa police operation. May nagsabi rin mula sa mga preso na ang mga pulis ay humihingii umano sa kanilang pamilya ng mula P40,000 hanggang P200,000 upang sila’y makalaya sa mala-impiyernong lihim na kulungan.
Sa pagkakabunyag ng lihim na selda, todo paliwanag at depensa naman ang hepe ng MPD Station l. Isasa naging katwiran, kaya may may lihim na selda ay masikip na ang detention cell ng nasabing police station. Ngunit hindi nakalusot at pinaniwalaan ang paliwanag ng hepe ng MPD Station 1. Na-relieve ang nasabing hepe at ang iba niyang mga tauhan.
Bawal at labag sa batas ang lihim na kulungan. Kahit ginagalis, nagkaka-kurikong at pinipigsa na ang ibang mga preso sa kulungan dahil sa init at siksikan, walang ginagawang lihim na kulungan upang sila’y ibukod. At dahil sa siksikan, may mga preso na nakatayo na kung matulog. Parang mga kabayo, umiihi kahit nakatayo. Minsan, shifting o palitan pa ang pagtulog ng mga preso kahit nakatayo.
Naging kakaiba naman ang unang reaksiyon ng PNP chief sa nabunyag na lihim na kulungan. Ipinagtanggol ang kanyang mga tauhan sa pagsasabing walang ginawang masama ang hepe at mga tauhan ng MPD Station 1. Okay lang ang lihim na kulungan kung walang nangyayaring torture o pagpapahirap at pangingikil sa mga detainee.
Binatikos pa ni PNP Chief Director Gen. Ronald “Bato” dela Rosa ang mga taga-CHR. May anyong political stunt daw ang ginawa ng mga taga-CHR na itinaon ang pagbubunyag sa ginaganap na ASEAN Summit, kung kailan nakatutok ang buong daigdig sa Maynila.
Ngunit inulan ng batikos ang PNP Chief sa ginawa niyang pagtatanggol sa hepe at mga tauhan ng MPD Station 1. Dahil sa mga batikos, humingi ng paumanhin sa mga taga-CHR ang PNP Chief at kinilalang ginagawa lamang ng komisyon ang trabaho nito.
Natanggap ng hepe ng pambansang pulisya ang pagiging illegal at hindi makatwirang pagkulong sa mga suspek sa droga sa siksikan at mabahong kulungan. Nagmungkahi siya na upang pansamantalang malutas ang problema sa siksikang kulungan ay maging maparaan ang mga hepe ng police station habang pinaplano ang pagsasaayos at konstruksiyon ng mga detention cell sa presinto.
Maaaring pag-isipan ng mga hepe... ng pulisya na “ITALI NA LAMANG” sa mga iron grill ang kanilang mga preso o sa iba pang poste sa loob ng presinto.
Ayon pa sa PNP Chief: “We should be transparent. Bahala na kung maging inhumane situation. So, itali na lang ang mga kamay para ‘di makalayas. Diskarte na lang. I am just practical. What would the police do if they no longer have a place to detain prisoners?”
Pagkatapos nito, iniutos niya ang nationwide inventory sa lahat ng detention cell sa bansa.
Minsan pa, marami tayong kababayan ang muling napa-look na lang sa sky. Ang iba’y nag-sign of the cross sa mungkahi ng PNP Chief na itali na lamang ang mga preso. May nagsabi naman na ang mga preso ay matutulad na sa mga aso kapag sila’y itinali sa iron grill. (Clemen Bautista)