TULAD ng Gilas, nagpalakas din ng kani-kanilang line-up ang Singapore at Thailand para sa kampanya sa SEABA Championship na magsisimula bukas sa Smart-Araneta Coliseum.

Anim na manlalaro mula sa koponan ng Singapore Slingers na pumuwesto na runner-up sa katatapos na ASEAN Basketball League, ang sasabak sa National Team ng Lion City.

Ang mga beteranong Slingers na sina Wong Wei Long, Jing Lung John Ng, Han Bin Ng, Leon Kwek, Delvin Goh, at Larry Liew ang mangunguna sa Singaporeans sa kanilang kampanya sa regional tournament kung saan nakataya ang nag-iisang slot para sa FIBA-Asia Cup.

Kasama nila sa koponan sina Jun Yuan Lim, Johrathon Cheok, Lyon Chia, Justin Lim, Lavin Raj, at Chin Hong Tan na gagabayan ni coach Franco Arsego.

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

Hindi pa nagwawagi ang Singapore gold o kahit na silver sa Southeast Asian tournament. Ang pinakamataas nilang pagtatapos ay bronze medals noong 2001, 2013, at 2015.

Ibabalik naman ng perennial contender Thailand ang pitong manlalaro na bahagi ng kanilang koponang nagwagi ng silver medal noong 2016 SEABA Cup na idinaos sa Bangkok.

Ang mga sinasabing manlalaro na kumopo ng silver medal ay sina Nakorn Jaisanuk, Chanachon Klahan, Sukhdave Ghogar, Patiphan Klahan, Teerawat Chanthachon, Chitchai Ananti, at Kannut Samerjai.

Sasamahan sila ng mga bagong recruit na sina Sorot Sunthonsiri, Naratip Boonserm, Nattakam Muangboon, Anuruk Lodliang, at Wutipong Dasom.

Sina Klahan, Ghogar, Klahan, Samerjai, at Jaisanuk ay mga dating miyembro ng Asean Basketball League team na Hi-Tech Bangkok City.

Muling nagbabalik para gabayan ang Thais ang nakaraang taon nilang British coach na si Tim Lewis. (Marivic Awitan)