NIYANIG ng may lakas na magnitude-7.2 na lindol ang Sarangani nitong Sabado ng umaga, ang ikatlong malakas na lindol sa bansa simula noong Pebrero. Isang 6.7 magnitude ang yumanig sa Surigao noong Pebrero 10, sinundan ng mga karaniwan nang aftershocks. May lakas na 5.5 magnitude naman ang lindol sa Batangas nitong Abril 4, na sinundan ng serye ng pagyanig, kabilang ang mas malakas na magnitude 5.9.
Pagkatapos ng lindol sa Sarangani, iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ang pinsala sa isang pantalan sa Glan at apat na katao ang nasugatan sa nagbagsakang debris. Kalaunan, may Intensity 5 na pagyanig naman ang naramdaman sa General Santos City at sa iba’t iba pang lugar sa Davao Occidental, South Cotabato, at Sultan Kudarat.
Halos hindi napansin ang huling pagyanig, dahil apat na katao lamang ang nasugatan. Sakaling sa isang mataong lugar sa bansa yumanig ang magnitude 7.2, tiyak na iba ang istorya. Sa nakalipas na mga taon, pinaghahandaan ng Metro Manila ang banta ng “big one” na maaaring mangyari anumang panahon at ang “big one” na ito ay may lakas na magnitude 7.2.
Matagal na nating ikinokonsidera na karaniwan lamang ang mga lindol sa bahagi nating ito sa mundo, na nasa “Ring of Fire” ng mga aktibong bulkan sa paligid ng Dagat Pasipiko. Nasa ibabaw din ang Pilipinas ng mga underground fault o ang naglalakihang tipak ng lupa na nagbubungguan laban sa isa’t isa sa kailaliman ng lupa, na nagdudulot ng mga lindol.
Isang malaking fault line ang tumatagos sa ilalim ng Metro Manila, mula sa kabundukan ng Sierra Madre sa hilaga-silangan, sa pagitan ng Quezon City at Marikina, hanggang sa Makati, Taguig, at Muntinlupa. Maaaring gumalaw anumang oras ang West Valley Fault na ito, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) batay sa kasaysayan sa nakalipas na 1,400 taon. At kapag nangyari ito, ang lindol — ang tinaguriang “big one”—ay inaasahang may lakas na magnitude 7.2.
Ito ang dahilan kaya ikinabahala ng marami ang pagyanig sa Davao Occidental nitong Sabado. Ang mga nakalipas na pagyanig ay nasa magnitude 6.7, 5.5, at 5.9. At bigla, lumakas ito sa 7.2.
Matagal nang pinaghahandaan ng gobyerno ang mga gagawin sakaling yanigin ang Metro Manila ng inaasahan nang “big one”. Bahagi ng pag-iingat ang pagbusisi at pag-update sa mga ito upang matiyak na mababawasan o kung maaari ay maiwasan ang pagkasawi at pagkasugat, na handa ang mga ospital sa lahat ng uri ng emergency, kung ano ang maaaring gawin sakaling hindi kaagad maibalik ang serbisyo ng tubig at kuryente, at siguruhing mapananatili ang kapayapaan at kaayusan.
Isang proyektong iminungkahi ni Phivolcs Director Renato Solidum, Jr. ay ang pagsasagawa ng Engineering Missions upang himukin ang mga komunidad na suriin ang mga gusaling tirahan, gaya ng Medical Missions na pagsusuri naman sa kalusugan ng mga tao. Magiging bahagi ito ng malawakang paghahanda ng gobyerno at ng mga residente laban sa malakas na lindol.