Binigyang-diin na kailangang ayusin ang mga gusot, pinili ng mga lider ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na maging malumanay sa isyu ng South China Sea batay sa Final Chairman’s statement ng 30th ASEAN Summit.

Hindi tulad ng burador ng Chairman’s statement na ibinigay sa mga mamamahayag noong Sabado ng gabi, binura sa pinal na pahayag ang mga linya na bumabanggit sa mga aktibidad sa South China Sea na maaaring pagmulan ng tensiyon sa mga estadong umaangkin dito.

Binanggit sa burador ng Chairman’s statement na dapat iwasan ang mga aksiyon tulad ng land reclamation at militarisasyon upang hindi na lumala ang sitwasyon, ngunit inalis ito sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang Chairman ng Summit.

Hindi na rin binanggit ang pagsunod sa “universally recognized principles of international law, including the 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS),” na nasa draft statement.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“We reaffirmed the importance of the need to enhance mutual trust and confidence, exercising self-restraint in the conduct of activities, and avoiding actions that may further complicate the situation, and pursuing the peaceful resolution of disputes, without resorting to the threat or use of force,” mababasa sa pinal na pahayag ng Chairman, na inilabas kahapon.

Gayunman, nagpahayag ng pagkabahala ang mga lider ng ASEAN sa mga huling kaganapan sa lugar.

Binigyang-diin rin sa final statement ang kahalagahan ng lubusan at epektibong pagpapatupad sa Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC), at idiniin ang pagpapabuti sa pagtutulungan ng ASEAN at ng China.

Ikinalugod ng mga lider na unti-unti nang nabubuo ang framework ng Code of Conduct (COC) sa South China Sea.

“We recognized the long-term benefits that would be gained from having the South China Sea as a sea of peace, stability and sustainable development,” mababasa sa pahayag ni Pangulong Duterte bilang Chairman.

Nakapaloob din sa pinal na pahayag ang pagpapatibay sa ASEAN Work Plan on Securing Communities Against Illegal Drugs 2016-2025 para sugpuin ang droga.

Binanggit ng mga lider ang bagong regional theme -- “Securing ASEAN Communities Against Illicit Drugs” – sa paglaban sa problema sa droga; at ASEAN Cooperation Plan to Tackle Illicit Drug Production and Trafficking in the Golden Triangle 2017 to 2019.

Nagpahayag ang mga lider ng kasiyahan sa progreso ng ASEAN Intergovernmental Commission on Human Rights’ (AICHR) sa pagsusulong at pagpoprotekta sa mga karapatang pantao, at planong magtatag ng Task Force on Mainstreaming of the Rights of Persons with Disabilities in the ASEAN Community.

Muling pinagtitibay ng mga lider ang pagpapalakas sa kooperasyon at constructive dialogue sa maritime security, maritime safety, maritime environment, at iba pang isyu sa dagat, iginiit ang matinding pagkondena sa terorismo at karahasan, at ipatutupad ang ASEAN Convention on Counter Terrorism (ACCT).

Nangako ang mga lider na pananatilihing malaya ang rehiyon sa nuclear weapons at iba pang weapons of mass destruction, isusulong pa ang turismo, magtutulungan sa pagtugon sa mga kalamidad, at protektahan ang kababaihan laban sa diskriminasyon. - Argyll Cyrus B. Geducos