Napatay ang isang hinihinalang tulak ng droga na nagdiriwang ng anibersaryo nila ng kanyang live-in partner habang nadaplisan ng bala ang anim na katao sa pag-atake ng tatlong armado sa Makati City, nitong Lunes ng gabi.

Kinilala ni Police Officer 2 John Marlon Garcia, imbestigador, ang napatay na biktima na si Christopher Esguerra, 35, ng Lopez Jaena Street, Barangay Rizal, Makati. Patay na si Esguerra nang isugod sa Ospital ng Makati dahil sa mga tama ng bala sa ulo at katawan.

Kinilala naman ang mga sugatang biktima na sina Veronica Carlos, 28; Derrick Roxas, 19; at apat na bata na nasa edad 11, 10, 9, at 7. Pawang nakatambay sa lugar nang pagbabarilin ng mga suspek si Esguerra. Nakalabas na sa ospital ang apat na bata habang patuloy na inoobserbahan sina Carlos at Roxas na nadaplisan sa braso at tiyan, ayon sa pagkakasunod.

Base sa inisyal na imbestigasyon, dakong 7:30 ng gabi, lumabas sa kanyang bahay si Esguerra nang sumulpot ang tatlong suspek at pinagbabaril ang una.

National

PBBM, nanindigan sa paggalang sa editorial independence at press freedom

Ayon sa isang saksi, “young-looking” ang mga suspek na pawang nakasuot ng bull cap. Matapos ang pamamaril ay tumakbo patakas ang mga suspek patungo sa Taguig.

Ayon naman sa live-in partner ni Esguerra, na tumangging magpabanggit ng pangalan, ipinagdiriwang nila ang kanilang second anniversary noong gabing iyon. Idinagdag pa niya na malapit na sanang umalis sa bansa si Esguerra dahil ito ay isang overseas Filipino worker (OFW).

Nang silipin ang barangay record, kabilang si Esguerra sa drug watch list, ayon kay Garcia.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. (Martin A. Sadongdong at Bella Gamotea)