CEBU CITY – Nasa limang miyembro ng teroristang Abu Sayyaf Group (ASG), tatlong sundalo at isang pulis ang napatay sa engkuwentro sa Barangay Napo sa bayan ng Inabangga, Bohol, ayon sa pinag-isang pahayag ng Central Command (Centcom) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Police Regional Office (PRO)-7.
Pirmado nina Centcom Commander Lt. Gen. Oscar Lactao at PRO-7 Director Chief Supt. Noli Taliño, kinumpirma ng awtoridad na limang miyembro ng Abu Sayyaf ang napatay sa sagupaan na nagsimula bandang 5:20 ng umaga kahapon.
Nasamsam din ng mga awtoridad ang tatlong M16 at isang isang M4 sa lugar ng engkuwentro, na ikinasawi rin ng tatlong sundalo at isang pulis.
Kinumpirma rin nina Gov. Edgar Chatto at Inabangga Mayor Josephine Jumamoy ang nangyaring engkuwentro.
Sinabi ni SPO4 Pepito Tradio, OIC ng Inabangga Police, na ipinaalam sa kanila ang pagdating ng tatlong pump boat na kinalululanan ng mga armadong lalaki sa Sitio Ilaya, Bgy. Napo nitong Lunes ng gabi.
Ayon kay Tradio, kaagad niyang ipinaalam sa Bohol Police Provincial Office ang report, na nakipag-ugnayan naman sa military, kaya matapos maberipika ang report ay sumiklab ang sagupaan.
Kinumpirma rin ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald dela Rosa ang presensiya ng Abu Sayyaf sa Inabanga, Bohol.
Sinabi ni Dela Rosa na batay sa ulat, isang bandido, sa ilalim ng grupo ng Abu Sayyaf sub-leader na si Abu Rami, ang unang namataan sa Sindangan, Zamboanga del Norte ang dumating sa Inabanga.
Ayon pa sa report, plano ng ASG na magsagawa ng pagdukot sa Bohol, kasunod ng travel advisory ng Amerika na pinag-iingat ang mamamayan nito sa Cebu at Bohol.
Nangyari ang sagupaan isang linggo bago idaos ang ikalawang bahagi ng ministerial meetings ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Panglao Island sa Bohol. Itinakda ang summit sa Abril 19-22.
(May ulat ni Fer Taboy) (MARS W. MOSQUEDA JR.)