Nagbigti ang isang batang lalaki sa pag-aakalang ipo-post sa Facebook ng kanyang tiyahin ang picture niyang naka-make up sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Hindi na umabot nang buhay sa Ospital ng Maynila si Jorge Miano, 10, estudyante at residente ng Building 5, NHA, Dagupan Extension, Tondo.
Base sa ulat ng tanggapan ni Police Supt. Alex Daniel, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 7, dakong 1:20 ng hapon nangyari ang insidente sa loob ng kuwarto ng biktima.
Una rito, kasama ni Jorge sa sala ang kanyang ina na si Charie at tiyahin na si Eva nang mapagtripan ng huli na lagyan ng make up ang biktima saka kinunan ng picture gamit ang kanyang cell phone.
Inakala umano ng biktima na ipo-post ni Eva sa Facebook ang kanyang picture kaya nagkulong ito sa kanyang kuwarto.
Makalipas ang ilang sandali ay hindi na lumabas sa kuwarto si Jorge at nagdesisyon si Charie na pasukin at amuin ang anak.
Kinatok ni Charie ang kuwarto ng biktima at sinabing hindi naman ipo-post sa Facebook ang kanyang picture, ngunit hindi umano sumasagot si Jorge kaya puwersahan nilang binuksan ang pintuan.
Dito na nadiskubre ni Charie ang kanyang anak na nakabigti gamit ang isang tela. (MARY ANN SANTIAGO)