Patay ang isang rider matapos masagasaan at gulungan ng isang 10-wheeler dump truck sa Parañaque City, nitong Linggo ng gabi.

Sa pamamagitan ng identification (ID) card, kinilala ni Senior Police Officer 1 Reynaldo Serafica, imbestigador, ang biktima na si Benjie Regondola, 49, maintenance worker sa isang hotel sa Parañaque.

Base sa inisyal na imbestigasyon, dakong 8:00 ng gabi, sakay si Regondola sa itim niyang motorsiklo (BE 14327) at binabagtas ang northbound lane ng Macapagal Boulevard sa Barangay Tambo nang biglang lumiko pakaliwa ang isang truck (UUC 382) at bumangga sa kanya.

Ayon sa isang saksi, pumailalim si Regondola sa truck ngunit buhay pa ito nang bumaba ang driver ng truck upang alamin ang kanyang lagay.

National

Bulkang Kanlaon, alert level 3 pa rin!

Ayon pa sa saksi, malaki ang tsansa ni Regondola na mabuhay dahil nakasuot ito ng helmet. May sinasabi umano si Regondola sa driver ng truck— maaaring nakikiusap na dalhin siya sa ospital.

Gayunman, sa halip na tulungan si Regondola, muling sumakay sa truck ang suspek at tuluyang ginulungan ang biktima at sinugurong patay na ito, dagdag ng saksi.

Matapos ang krimen ay humarurot palayo ang suspek sa hindi batid na direksiyon.

Nagsasagawa na ng follow up investigation para sa ikahuhuli ng suspek. (MARTIN A. SADONGDONG at BELLA GAMOTEA)