BATANGAS - Isinailalim na sa state of calamity ang bayan ng Mabini sa Batangas matapos magdulot ng malaking pinsala ang magkasunod na lindol na yumanig sa nabanggit na bayan, nitong Sabado ng hapon.

Ayon kay Mabini Mayor Noel Luistro, aabot sa 300 bahay ang bahagyang nasira dahil sa lindol, bukod pa rito ang ilang gusaling pampaaralan na napinsala rin.

Sinabi pa ng alkalde na dahil sa takot ng mga residente, hindi na pumapasok ang mga ito sa mga nasira nilang bahay at nananatili lang sa open fields.

Nanawagan din si Luistro sa tulong na maaaring ipagkaloob sa kanilang bayan, na partikular na nangangailangan ng mga tent, relief goods at tubig.

Probinsya

Lolang bibisita sa City Jail, timbog matapos mahulihan ng ilegal na droga

“Hindi po sapat ang nakaimbak naming pagkain. Tatagal lamang po siguro ito ng dalawang araw,” sabi ni Luistro.

Bagamat tiyak na may epekto ang lindol sa taun-taong pagdagsa ng mga turista sa mga resort at diving spot sa Mabini, positibo ang alkalde na muli nilang mahihikayat ang mga turista.

“Hindi naman po lahat ng resorts ay na-damage, ‘yung iba lang, at kaagad naman pong ginagawan ng paraang maayos ang mga kalsadang naapektuhan ng landslide,” ani Luistro.

Samantala, nilinaw kahapon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na walang kaugnayan sa pagyanig sa Mabini ang paglindol din kahapon sa Northern Samar.

Ayon kay Karl Vincent Soriano, science research specialist ng Phivolcs, nasa 5.4-magnitude na lindol ang naramdaman sa layong 89 kilometro ng hilaga ng Mapanas, Northern Samar, dakong 8:43 ng umaga umaga.

Umuka ng lalim na 27 kilometro, sinabi ni Soriano na ang lindol sa Samar ay resulta ng paggalaw ng Philippine Trench, ngunit hindi magdudulot ng tsunami. (Lyka Manalo at Rommel Tabbad)