DAVAO CITY – Nagpalabas ang isang hukom sa Panabo City ng Hold Departure Order (HDO) laban sa umaming hitman ng Davao Death Squad (DDS) na si Edgar Matobato, kaugnay ng umano’y pagkakasangkot niya sa pagdukot sa Turkish na si Sali Makdum noong 2002.
Ang order ay inilabas ni Judge Dorothy P. Montejo-Gonzaga, ng Regional Trial Court ng Panabo City, at may petsang Marso 27, 2017.
Hiniling ng hukom sa prosekusyon na magpalabas ito ng hold departure order laban kay Matobato, na nakatira sa Barangay Sasa, Davao City.
Inatasan ng hukom ang Department of Foreign Affairs at Bureau of Immigration na ipatupad ang nasabing order.
Ipinag-utos kamakailan ang pagdakip kay Matobato, kasama si Sonny Custodio, sa pagdukot umano kay Makdum.
Sa kanyang pagharap sa Senado kamakailan, idinawit ni Matobato si Custodio sa umano’y pagdukot kay Makdum sa utos umano ni noon ay Davao City mayor at ngayon ay Pangulong Rodrigo Duterte. (Yas D. Ocampo)