BUTUAN CITY – Patay ang isang taong gulang na lalaki habang kritikal naman ang apat na taong gulang na kuya niya makaraang tupukin ng apoy ang ilang bahay, boarding house at negosyo sa Nangka Road sa Purok 4 at 5 sa Barangay New Society Village, Butuan City, nitong Martes ng hapon.

Kinilala ang nasawi na si Zion John Marquita, habang nagpapagaling naman ng natamong 2nd degree burns sa Butuan City MJ Hospital ang apat na taong gulang niyang kapatid na si JD Marquita.

Inabot ng Task Force Alpha ang sunog, na pinakamalaki sa Butuan City ngayong taon.

Dakong 12:30 ng tanghali nang magsimula ang sunog nitong Martes, na naapula bandang 2:42 ng hapon.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Nasa 55 bahay ang naabo habang 77 pamilya o halos 300 katao ang naapektuhan, bukod pa ang mga nakatuloy sa iba’t ibang boarding house na natupok din.

Pansamantalang nakatuloy ang mga nasunugan sa covered court at sa day care center ng Bgy. New Society Village sa siyudad.

Kaagad namang nagkaloob ng tulong ang mga kawani ng City Social Welfare and Development Office sa mga nasunugan, habang namahagi rin ng relief goods ang regional office ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Inaalam na ng awtoridad ang sanhi ng sunog, na tinatayang tumupok sa nasa P15 milyon halaga ng ari-arian.

(MIKE U. CRISMUNDO)