DASMARIÑAS, Cavite – Limang bilanggo ang nasawi dahil sa matinding siksikan sa loob ng halos umapaw nang piitan sa Dasmariñas, Cavite sa nakalipas na anim na buwan.
Kinumpirma kahapon ni Chief Insp. Fermel Valerio de la Cruz, investigation chief ng Dasmariñas Police, na heat stroke ang ikinamatay ng mga bilanggo, batay sa medical findings.
Ayon sa mga report, kinilala ang mga nasawing bilanggo na sina Yoshihiro Nuevarez Tamura, Jr., 37, ng Barangay Malagasang I-G, Imus; Erick Casava Tobula, 40; Joey Gloria de los Santos; Ryan Sorbeto Brozo, 36; at Jonathan Repoyat Rosario, 46, pawang taga-Dasmariñas.
Ang pagkamatay ng limang bilanggo ay naitala simula Setyembre 16, 2016 hanggang Marso 2017.
Si Tamura ang huling nasawi matapos mawalan ng malay sa kanyang selda pasado 4:00 ng umaga nitong Marso 26.
Malaki ang posibilidad na mauwi sa stroke ang heat exhaustion para sa mga pasyenteng nasa kulob na lugar, na may kakaunting hangin. Kabilang sa sintomas ng heat stroke ang matinding pamamawis, pagkahilo, mabilis na pulso, sakit ng ulo at pagsusuka.
Malinaw na siksikan sa mga selda ng Dasmariñas Police dahil mahigit 100 ang nakapiit sa seldang para lamang sa 60 katao. (Anthony Giron)