DASMARIÑAS, Cavite – Nasawi ang isang ginang habang nasugatan naman ang kanyang asawa sa mahigit isang oras na sunog na dulot ng singaw sa hose ng kanilang tangke ng liquefied petroleum gas sa Barangay San Manuel I, Dasmariñas, Cavite nitong Lunes.
Kinilala ni Chief Insp. Fermel V. de la Cruz, hepe ng investigation division ng Dasmariñas Police, ang nasawi na si Len Amor Eda Soriano, 29; habang sugatan naman ang asawa nitong si Gabby Leonardo Soriano, 31 anyos.
Natagpuan ng mga bombero ang sunog na bangkay ng ginang sa loob ng tupok na silid ng bahay, habang nagtamo naman ng third degree burn sa kaliwang braso at ginagamot na sa Pagamutan ng Dasmariñas si Gabby.
Sinabi ni Dela Cruz na hindi nagawang makalabas sa silid ng ginang dahil hirap itong makalakad dulot ng rayuma.
Natupok din sa sunog ang katabing bahay ng mga Soriano, na pag-aari ni Rody Cabaldo Umbat.
Ayon kay Dela Cruz, bandang 9:30 ng umaga nitong Lunes nang nagsimula ang sunog sa kusina ng mga Soriano, makaraang sumingaw sa hose ang LPG. (Anthony Giron)