Buong tapang na isiniwalat kahapon ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ang umano’y anomalya sa pagkuha ng driver’s license sa Land Transportation Office (LTO).

Ayon kay LCSP President Atty. Ariel Inton, nagsisimula ang anomalya sa isang medical clinic, katabi ng tanggapan ng LTO at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Magalang Street, Barangay Pinyahan, Quezon City, na ginagamit umanong front sa sabwatan ng mga fixer at ilang sinasabing tiwaling tauhan ng LTO.

Aniya, isang lalaki sa medical clinic ang nagbibigay ng reviewer para sa mga aplikanteng kukuha ng exam, professional man o non-professional.

Mabibili umano ang nasabing reviewer sa halagang P100 at kung ang medical clinic ang magiging daan sa pagkuha ng lisensiya, magbabayad umano ang bawat aplikante ng P6,000 para sa non-appearance application, ayon kay Inton.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Napag-alaman na tumataginting na P10,000 ang sinisingil sa mga dayuhang aplikante, dagdag pa niya.

Ayon pa kay Inton, dahil sa nasabing modus ng medical clinic ay maraming aplikante ang nakalulusot at nakakakuha ng lisensiya.

Inihahanda na ng LCSP ang kasong isasampa laban sa mga sangkot sa modus. (Jun Fabon)