Dapat na maging patas ang mga negosyador ng gobyerno at ng mga komunista sa pagbubuo ng ceasefire agreement upang maging maayos ang muling pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan, sabi ni Pangulong Duterte nitong Martes.

Nagbigay ang Pangulo ng mga kondisyon, kabilang ang paglalatag ng “parameters” para sa tigil-putukan at pag-uusap lalo na kung magkakaroon uli ng stalemate.

“I have certain conditions or demands that dapat magkaigi kami,” sabi ng Pangulo sa pagtitipon ng mga mayor sa buong bansa sa Manila Hotel nitong Martes ng gabi.

“I want a ceasefire that is reduced in writing and the parameters clearly shown saan tayo papunta at ano ang gawin natin kung pumalpak,” sabi niya.

National

Super Typhoon Ofel, napanatili ang lakas habang nasa northeast ng Echague, Isabela

Hindi idinetalye ng Pangulo ang panukalang parameters pero iginiit niya ang pagiging patas sa peace process.

“We have to play fair for everything and parang medyo — still vague until now. I cannot expound on it further. But ‘yung, may mga must ako, must-do para maabot natin ‘yung kapayapaan,” aniya.

Nagkasundo ang gobyerno at ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na muling mag-usap ngayong Abril, pagkatapos ipatigil ng Presidente ang negosasyon nitong Pebrero dahil sa umiinit na sagupaan ng mga rebelde at mga sundalo. Iniulat din na nagkasundo ang magkabilang partido na ibalik ang tigil-putukan upang mabigyan ng pagkakataon ang usapang pangkapayapaan.

Samantala, magpupulong sa susunod na linggo ang negotiating panel ng gobyerno upang maghanda para sa susunod na bahagi ng peace talks sa Abril 2-6 sa Norway.

Sinabi ng GRP peace negotiating panel member na si Atty. Antonio Arellano sa mga reporter kahapon na magpapatuloy ang talakayan ng peace panels ng gobyerno at NDFP upang mabuo ang Comprehensive Agreement on Socio Economic Reforms (CASER) at ang bilateral ceasefire agreement. (Genalyn D. Kabiling at Antonio L. Colina IV)