TAYABAS CITY, Quezon – Inaresto ng pulisya ang isang lalaking nagpakilalang miyembro ng Maute terror group makaraan umano itong mangikil at magbantang pasasabugan ng bomba ang isang oil mill company sa Barangay Tongko sa Tayabas City, Quezon, nitong Linggo ng umaga.
Kinilala ni Senior Supt. Rhoderick Armamento, Quezon Police Provincial Office director, ang inaresto na si Beda R. Roaring, 53, foreman at residente ng Bgy. Mayhay sa Pagbilao.
Ayon sa pulisya, batay sa reklamo ni Rodel San Sebastian Sid, 43, operations manager ng Kapco Oil Mill, Pebrero 21 nang i-text siya ni Roaring, na nagpakilalang miyembro ng Maute at nanghingi ng P200,000.
Nakasaad sa text na kung hindi ibibigay ang pera ay bobombahin ng suspek ang oil mill o papatayin ang may-ari ng kumpanya.
Ikinasa ang entrapment at naaresto ang suspek sa Bgy. Bukal sa Pagbilao. (Danny J. Estacio)