psi copy

TAGUM CITY, Davao del Norte – Binigyan-diin ang kahalagahan ng tamang pagsusuri sa pangangatawan at kakayahan ng atleta para matiyak ang kaunlaran sa sports na kanyang paglalagyan sa isinagawang Philippine Sports Institute (PSI) Sports Mapping Action Research Talent Identification (Smart ID) Train the Trainers Program nitong weekend sa Davao del Norte Sports and Tourism Complex clubhouse dito.

Iginiit ni Sports Mapping Action Research for Talent Technical Experts and Manpower (Smart Team) leader Professor Josephine "Joy" Reyes, na mahalaga ang pagpupursige sa tagumpay ng atleta, ngunit higit na dapat bigyan ng pansin ay ang katotohanan kung nararapat ang bata sa sports na kanyang lalaruin.

"Baka napilitan lang sila sa sport nila ngayon or maybe because the kind of selection is not enough or scientific enough to determine if they are really fit for that particular sport," pahayag ni Reyes sa mga trainors mula sa Regions 9, 10, 11 at 12, gayundin sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (Armm) at Caraga.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Iginiit ni Reyes ang kahalagahan ng ‘talent identification’ sa proseso ng pagpili ng atleta para sa partikular na sports.

Aniya, hindi dapat isantabi ang katotohanan na ang tunay na ‘sports superstar’ ay hindi lamang yaong nakikita sa mga palaro at school meet.

"Baka andyan lang sa tabi-tabi ang hinahanap natin. Who knows these are the untapped talents. These are kids we don't know. We will test these kids to see their innate abilities," pahayag ni Reyes.

Hinikayat niya ang mga trainors na ituon ang pansin sa mga kabataang may edad walo hanggang 12 kung saan malaki ang potensyal na matukoy kung saan sila nararapat na sports ilagay.

Kasama ang kanyang Smart Team staff, ipinakita ni Reyes sa mga kalahok sa programa ang anthropometric tests tulad ng tamang pagkuha sa standing height ng atleta, pagkuha ng timbang, haba nang mga braso at taas kung nakaupo.

Sa performance test, kailangan kunin ang vertical jump, medicine ball throw, agility test kung saan nasusukat ang resistensya ng isang atleta.

Kasabay nito, ipinahayag ni Davao del Norte provincial sports coordinator Giovanni Gulanes na ilulunsad ng lalawigan ang sariling sports academy sa Hunyo bilang pagkalinga sa programa ng Philippine Sports Institute (PSI) sa pangangasiwa ng Philippine Sports Commission (PSC).