Patay ang apat na hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) makaraang makipagbakbakan sa militar sa Aroroy, Masbate, kahapon ng umaga, habang naaresto naman ang dalawang umano’y opisyal ng kilusan sa Caloocan City at sa Sorsogon City.
Ayon kay Capt. Joash Pramis, hepe ng Division of Public Affairs Office (DPAO) ng 9th Infantry Division ng Philippine Army (PA), nangyari ang engkuwentro bandang 6:30 ng umaga sa Barangay Pangle, Aroroy.
Sinabi ng DPAO na nakasagupa ng 903rd Brigade ang 20 rebelde sa naturang barangay, at kaagad na napatay ang apat sa mga ito.
Nakarekober ng limang klase ng baril ang militar matapos ang labanan.
2 OPISYAL LAGLAG
Kinumpirma naman kahapon ni Armed Forces of the Philippines-Public Affairs Office (AFP-PAO) chief Marine Col. Edgard A. Arevalo ang pagkakadakip sa umano’y NPA leaders na sina Emmanuel Alindogan Mores at Ferdinand T. Castillo.
Aniya, bandang 7:50 ng gabi nitong Linggo nang maaresto ng mga pulis at sundalo si Mores, secretary at finance officer ng Larangan 1, na wanted sa murder at may P240,000 patong sa ulo, sa Barangay Bibincahan, Sorsogon City.
Nitong Linggo rin naaresto sa Caloocan City si Castillo, secretary ng Metro Manila Regional Party Committee, at may arrest warrant sa double-murder at multiple attempted murder.
16-ANYOS, SUMUKO
Sa Cagayan, ilang menor de edad naman ang napaulat na bagong recruit ng NPA sa lalawigan.
Ito ang nabunyag makaraang isang bagong recruit sa kilusan ang sumuko sa awtoridad sa Baggao, Cagayan.
Batay sa report kahapon ng isang lokal na himpilan ng radyo, ang sumuko ay isang 16-anyos na babae na taga-Bgy. Hacienda Intal, Baggao.
Iniulat ni Lt. Col. Rembert Baylosis, commanding officer ng 17th Infantry Battalion, na may tatlo pang menor de edad na kamag-anak din umano ng dalagita ang nagtatago sa Bgy. Balanni sa Sto. Niño.
Ayon pa sa report, matinding takot ang nararamdaman ngayon ng dalagita para sa kanyang mga kasamahan na pawang bagong recruit din.
Nabanggit na pawang estudyante ng Hacienda Intal National High School sa Baggao ang mga bagong recruit nang hikayating sumapi sa Charlie Platoon sa West Committee ng NPA noong nakaraang buwan.
(Fer Taboy, Francis Wakefield at Liezle Basa Iñigo)