NAYOMI ZANJOE AT BELA copy

ANONG mayroon si Zanjoe Marudo at parating siya ang kinukuha para gumanap sa role ng ideal na tatay sa teleserye? Mas tanggap siya sa ganitong role at kuwento ng serye kaysa love story o may love triangle.

Dalawang magkasunod na teleserye nang may kasamang baby girl ang ginawa ni Zanjoe, ang Analiza kasama si Andrea Brillantes (2013-2014) under RSB unit at Dream Dad with Jana Agoncillo (2014-2015) under GMO unit.

Ngayong 2017, kasama naman niya sa My Dear Heart ng Dreamscape Entertainment ang isang bagong tuklas na batang babae, si Nayomi Ramos bilang si Heart de Jesus.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Sa ipinapakitang trailer ng serye, maysakit sa puso si Heart at si Ms. Coney Reyes bilang si Dra. Divinagracia ang nag-opera. Palaisipan pa sa mga nakakapanood kung namatay si Heart o kung kaluluwa ba ang kinakausap nina Zanjoe at Bela Padilla bilang mga magulang ng bata.

Galit si Dr. Divinagracia kay Zanjoe na ex-boyfriend ng kanyang anak na si Gia (ginagampanan ni Ria Atayde) na pilit inilayo dahil mataas ang pangarap ng ina sa anak.

Kuwento ni Zanjoe sa Q and A ng grand presscon ng serye, masuwerte siya na halos lahat ng nakakasama niyang bata ay mahuhusay gumanap. Puring-puri niya si Nayomi.

Sinolo namin si Zanjoe pagkatapos ng Q&A para itanong kung anong mayroon sa kanya’t nagiging paborito siyang paganapin sa father role, at hindi ba siya naiilang dahil wala pa naman siyang anak sa totoong buhay at kung ano ang pagkakaiba ng tatlong serye.

“Pareho silang (tatlong bata) lahat mababait, pareho silang lahat na walang masamang tinapay, nag-iiba-iba lang ‘yung estado ng buhay, pero ‘yung core ng character, laging ganu’n, may busilak na puso.

“Yung parating ganu’n ang role ko, baka kasi mukha akong tatay talaga,” sabay tawa. “Siguro ‘yung chemistry ko sa bata, ‘yung relationship ko sa mga bata kahit hindi ko naman totoong anak, ‘yung magic na nabubuo ko with the kids na nakakatrabaho ko. Iyon ‘yung gusto kong ipagpasalamat kung bakit ako nagkaroon ng ganu’n,” sagot ng aktor.

Maraming pamangkin si Zanjoe, kasama pa ba niya ang mga ito sa bahay?

“Before magkakasama kaming lahat sa bahay, pero ngayon hindi na, may kanya-kanya na silang bahay dahil na rin sa mga work ng parents nila,” say ng binata.

Kumusta naman ang puso niya?

“Masaya, kulay pula,” nakangiting sabi.

Mahigit isang taon na siyang walang girlfriend, may idini-date na ba siya.

“Wala pa, wala pa. Pero ini-entertain ko na ‘yung thought na may makilala, may magustuhan. Pumapasok na sa isip ko ngayon,” pag-amin ng aktor.

Nang huli namin siyang makatsikahan ilang buwan pagkaraan ng hiwalayan nila ni Bea Alonzo, inamin niya na ayaw na muna niyang magligaw sa iba o magkaroon ng girlfriend. Gusto niyang magpahinga at mag-concentrate sa career.

Hindi itinanggi ni Zanjoe na nami-miss niyang may nag-aalaga sa kanya o may inaalagaan siya.

“Nami-miss ko na siya ngayon. Gusto ko nang maramdaman na rin ngayon.”

Ano ang reaksiyon niya na parating magkasama ang ex-girlfriend niya at ang kaibigan niyang si Gerald Anderson bagamat hindi pa umaaming sila na uli?

“Masaya ako para kay Bea kasi friends naman kami, gusto ko naman and vice-versa na lagi kaming masaya para sa isa’t isa. Pagkatapos namin, siyempre gusto ko rin na mas maganda ‘yung mangyari sa buhay niya at gayundin naman siya sa akin,” sagot ng aktor.

Posible ba niyang maging girlfriend ang mga babaeng kaibigan o katropa o hindi talo?

“Mga naging girlfriend ko naman before naging kaibigan ko muna at saka na lang ako nade-develop after. Ako kasi ganu’n, gusto ko kilala ko muna ‘yung tao bago ko magustuhan. Hindi ‘yung nakita ko siya at sasabihin kong gusto ko at liligawan ko na. Kailangan muna may koneks’yon,” sagot niya.

Natawa kami sa sagot niya nang pansinin namin na halos lahat ng ex-girlfriend niya ay may asawa na – tulad nina Mariel Rodriguez-Padilla at Bianca Gonzales–Intal.

“May ganu’n akong jinx,” sabi ba naman.

Ano ang hinahanap niya sa isang babae?

“Gusto ko ‘yung katulad ko, magku-connect kami. Hindi mo maipapaliwanag ‘yung pakiramdam, eh, ‘pag na-feel mong kinilig ka ulit, iyon na ‘yun, parang bata.”

Bagamat hindi binanggit kung ilang taon na siya, hindi pa naman daw niya kailangang magmadali sa pag-aasawa.

“Bata pa ako.”

Pinupuri ang nagle-level-up na acting ni Zanjoe, dahil nag-aaral pala talaga siya para sa acting niya.

Aniya, gusto niyang ibalik ang mga pagkakataong ibinibigay sa kanya ng ABS-CBN management, empleyado siya nito kaya palagi niyang pinagbubuti ang trabaho niya, at kailangan niyang maging mabuting manggagawa para hindi siya pagsawaan at parati siyang may project.

Mapapanood na ang My Deart Heart simula sa Lunes sa ABS-CBN at Skycable Channel 167.

Makakasama nina Zanjoe, Bela, Nayomi at Ms. Coney sina Robert Arevalo, Rio Locsin, Joey Marquez, Susan Africa, Eric Quizon, Loisa Andalio, Mark Oblea, Izzy Canillo, Jerry O’hara, Jameson Blake, Sandino Martin, Yñigo de Belen, Vic Robinson, Ria Atayde at Hyubs Azarcon mula sa direksiyon nina Jerome Pobocan at Jojo Saguin. (REGGEE BONOAN)