ISULAN, Sultan Kudarat - Sa kabila ng pagsuko sa pulisya ng libu-libong sangkot sa droga sa Region 12 at ng pinaigting na kampanya ng awtoridad laban sa droga, mistulang mas naging agresibo—ngunit maingat—ang ilang patuloy na nagbebenta ng droga sa Central Mindanao.

Sa panayam sa isang drug surrenderer na tumangging pangalanan, sinabi niyang tumaas ng 20 porsiyento ang bentahan ng shabu, at may iba’t ibang kulay pa ngayon ang mga produkto.

Aniya, marami sa mga gaya niyang sumuko na sa Oplan Tokhang ang bumabalik sa paggamit ng droga.

Ayon naman sa isang operatiba ng Police Regional Office (PRO)-12, mas maingat na ngayon ang mga sangkot sa bentahan ng droga at handa rin ang mga “hard target” nila na aktibo sa bentahan ng droga.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Aniya, kung dati ay sa palitan lang ng mensahe sa cell phone nangyayari ang mga transaksiyon, ang ilan umanong tulak ngayon ay may sarili nang website para sa pakikipagtransaksiyon, kaya naman hindi na napupuna ng awtoridad.

Kaugnay nito, tiniyak naman ni Sultan Kudarat Gov. Sultan Pax S. Mangudadatu, al hadz, na patuloy na umiigting ang kampanya ng awtoridad sa kanyang lalawigan laban sa droga, at tiniyak ang kanyang suporta maging sa laban ng gobyerno kontra sa katiwalian.