MARAMING Pilipino ang patuloy na nakadidiskubre ng Taiwan, ang pinakamalapit na bansa sa hilagang bahagi ng Pilipinas.
Nanggaling sa Pilipinas ang ikatlong pinakamalaking bilang ng mga turista sa Taiwan mula Enero hanggang Setyembre, ayon kay Eric Lin, director ng international affairs division ng tourism bureau ng Ministry of Transportation and Communications ng Taiwan.
Nanguna sa pinakamaraming turista ang Thailand; ikalawa ang Vietnam at nasa ikaapat ang Indonesia.
Inihayag ni Lin na 12 porsiyento ng mga turistang bumisita sa Taiwan ay nagmula sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa 1.43 milyon sa nakaraang siyam na buwan, sinusundan ng China na may 4.8 milyon; Japan na may 1.6 milyon at Hong Kong na may 1.5 milyon.
Tumaas ang bilang ng mga turista mula sa Pilipinas ng 15.89% o 118,989 mula Enero hanggang Setyembre.
“It’s the first time in many years that we have more visitors from the ASEAN,” ani Lin, binigyang-diin na malaki ang ibinaba ng bilang ng mga turista mula sa mainland China, na dating nangungunang bisita ng Taiwan.
Sa pagdami ng airlines na bumibiyahe mula Pilipinas patungong Taiwan, sinabi ni Lin na inaasahan nila na mas marami pang Pilipino ang bibisita sa Taiwan.
Mas dumagsa ang mga turistang Pinoy dahil sa mas pinadaling visa requirements sa ilalim ng New Southbound policy ng gobyerno ng Taiwan. Prayoridad ng bagong polisiya na mahikayat ang mga turista na magtungo sa kanilang bansa, na nais ding mapabuti ang relasyon ng mga bansa sa Southeast at South Asia tulad ng Australia at New Zealand sa larangan ng human resources, industriya, investment, edukasyon, kultura, turismo at agrikultura.
Simula Setyembre, ang mga mamamayan ng India, Indonesia, Myanmar, Pilipinas, Vietnam, Cambodia at Laos na may visa o resident card na valid o hindi pa expired na hindi baba ng 10 taon mula Australia, Canada, Japan, Korea, New Zealand, Schengen, United Kingdom at ang United States ay hindi na kailangan mag-apply ng visa para magtungo sa Taiwan.