TARLAC CITY — Puspusan ang konstruksiyon ng Pulilan-Baliwag Bypass Road sa Baliwag, Bulacan kung saan ay tinambakan ng lupa ang sampung kilometrong haba nito bago sementuhin.
Nagsimula ang pagtatambak sa gawing Westbound Lane ng Pulilan- Calumpit Road na malapit sa Pulilan Interchange ng North Luzon Expressway.
Sinabi ni Department of Public Works and Highways First Engineering District Head Ruel Angeles na ang bagong kalsadang ito ay lalabas sa Daang Maharlika malapit sa sangay ng Wilcon sa Barangay Tarcan Baliwag, Bulacan.
Napag-alaman na may kabuuang P600-milyon ang halaga ng proyekto na inaasahang matatapos sa loob ng dalawang taon.
Dahil sa naturang konstruksiyon ay inaasahang mapapaluwag na nito ang matagal nang matinding trapiko sa crossing ng Pulilan na humahaba hanggang Plaridel sa southbound at umaabot pa sa Baliwag sa northbound, dagdag pa ni Angeles.
(Leandro Alborote)