SA umiinit na diskusyon sa parusang kamatayan, na nais na ibalik ni Pangulong Duterte upang mapatatag ang pagpapairal ng batas, makabuluhang tandaan na ang mundo—kasama na ang Pilipinas—ay matagal nang pinagdebatehan ang usaping ito sa United Nations.
Taong 1966 nang pinagtibay ng UN General Assembly, na isa ang Pilipinas sa mga nagtatag, ang International Covenant on Civil and Political Rights (ICCPR) na, kasama ng Universal Declaration of Human Rights at ng International Covenant on Economic, Social, and Cultural Rights, ay bumubuo sa International Bill of Human Rights. Lumagda ang Pilipinas sa ICCPR noong Disyembre 19, 1966, at niratipikahan ito noong Oktubre 23, 1986.
Noong 1989, pinagtibay ng General Assembly ang Second Protocol on Civil and Political Rights, at nanawagan sa lahat ng estado na buwagin na ang parusang kamatayan. Ang Protocol ay isang tratadong nilagdaan ng 83 estado, kabilang ang Pilipinas. Pumirma ang Pilipinas sa Protocol noong Setyembre 20, 2006, at niratipikahan ito noong Setyembre 20, 2007.
Sa pagitan ng dalawang pandaigdigang kasunduang ito, ang Pilipinas ang kauna-unahang bansang Asyano na nagbuwag sa parusang kamatayan nang ratipikahan ng bansa ang Konstitusyon noong 1987, ngunit maaari itong muling ipatupad ng Kongreso kung kinakailangan. Noong 1993, ipinasa ang batas na gaya nito upang tugunan ang dumaraming krimen sa bansa.
Pitong preso ang nabitay noong 1999, na sinundan ng isang moratorium kaugnay ng paggunita sa “Jubilee Year” ng Simbahang Katoliko. Taong 2003 at nakatakdang bitayin ang dalawang lalaki nang lumitaw ang bagong ebidensiya sa kanilang kaso at napawalang-sala ang dalawa.
Sa buong panahong ito, mariing tinututulan ng Commission on Human Rights ang pagsusulong sa muling pagpapatupad ng parusang kamatayan. Hindi kumbinsido ang komisyon na ang parusang kamatayan ang reresolba sa dumadaming krimen sa bansa. Ang tamang pagtugon, ayon sa komisyon, ay ang epektibong pagpapatupad sa batas, mabilisan at patas na paggagawad ng hustisya, at isang nakatutugon na penal system. “To mete out to criminals the very final and irrevocable and inhuman verdict of death is tantamount to punishing them for the failure of the system,” ayon sa komisyon.
Ngayon, nasa kalagitnaan na naman tayo ng debate tungkol sa parusang kamatayan. Matapos siyang mahalal bilang presidente noong Mayo, sinabi ni Pangulong Duterte na nais niyang ibalik ng Kongreso ang parusang kamatayan—sa pamamagitan ng pagbibigti—para sa mga nahatulan sa pagbebenta ng droga, mga sindikato ng gun-for-hire, at mga nagsagawa ng”heinous crimes”, tulad ng mga nanggahasa at magnanakaw na pumatay pa sa kanilang mga biktima.
Nasa kalagitnaan din tayo ng malawakang kampanya laban sa droga at libu-libo na ang napatay, karamihan ay dahil sa panlalaban sa pag-aresto—kaya naman nagtatanong ang ilan kung kailangan pa bang ibalik ang parusang kamatayan upang takutin ang mga kriminal.
Ang kritikal na debate sa usaping ito ay idaraos na sa bulwagan ng Kongreso. Kaakibat ang lahat ng mga argumentong legal at ang pangako ng Pilipinas sa pandaigdigang komunidad, nagninilay-nilay din ang Simbahan sa sinaunang sistema ng pagpaparusa na “ngipin sa ngipin, buhay ang inutang kaya buhay din ang kabayaran”. Higit pa sa pagiging usaping legal, isa rin itong isyu ng moralidad at pagiging makatuwiran na tutukoy sa ating pagkakakilanlan bilang mamamayan ng ating bansa.