DALAWANG makatuturang dahilan ang naisip kong isinaalang-alang ni Pangulong Duterte sa kanyang utos hinggil sa ganap na pagbabawal sa paputok o total firecrackers ban sa buong bansa. Kabilang dito ang pangangalaga sa buhay at mga ari-arian ng sambayanan na maaaring mapinsala kaugnay ng walang habas na pagpapasabog ng mga bawal na rebentador; pagmamalasakit sa ating mga kababayan na maaaring mawalan ng trabaho at negosyo dahil sa pagpapasara ng mga pabrika ng paputok.

Mabuti na lamang at naudlot ang paglagda ng Pangulo sa isang executive order. Tandisan niyang ipinahiwatig na ito ay ipatutupad sa susunod na taon upang makapaghanda ang mga maaapektuhang sektor, lalo na nga ang mga umaasa lamang sa pyrotechnic at firecrackers industry sa iba’t ibang lalawigan sa bansa. Tama naman sapagkat malaki naman ang puhunan sa paggawa ng mga paputok at pailaw na dapat lang namang maibenta sa pagdiriwang ng Bagong Taon.

Ang pagpapaliban ng implementasyon ng total firecrackers ban ay hindi dapat ipagpista ng ating mga kababayan, lalo na ng mga manhid sa mga panawagan hinggil sa pag-iwas sa mga paputok. Bagkus, lalo nating isaisip at isapuso ang mga babala ng Department of Health (DoH), Philippine National Police (PNP) at ng mga local government official upang matiyak ang ating kaligtasan laban sa mga panganib. Sa kasagsagan ng pagbabago ng taon, lalo na bukas at susunod pang ilang araw, hindi malayo na lumobo ang bilang ng nasasabugan ng mga paputok.

Nakakikilabot ang mga eksena tuwing ipinagdiriwang natin ang Bagong Taon. Daan-daan ang isinusugod sa mga ospital; lapnos ang buong katawan dahil sa pagsabog ng paputok; sabog ang mukha at halos maputol ang mga daliri at iba pang bahagi ng katawan; ang iba ay hindi na umaabot nang buhay sa mga pagamutan. At malimit na ang mga paputok ay nagiging dahilan ng mga sunog, tulad ng naganap sa mga pabrika ng paputok.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa pagpapatupad ng total firecrackers ban sa susunod na taon – kung hindi magbabago ang plano ng Pangulo – kailangang bumalangkas ang administrasyon ng mga programang pangkabuhayan para sa libu-libong manggagawa na mawawalan ng mapagkakakitaan dahil nga sa pagpapasara ng mga firecrackers factory; kabilang na rito ang mga negosyante at kapitalista upang makapamuhunan sa ibang industriya.

Marapat na maging makatao ang pagpapahalaga sa buhay at hanapbuhay ngayon at sa susunod na mga taon. (Celo Lagmay)