“KUYA Mac (Merla), buo na ako! Kasi after 21 years, may tatay na ako, may tatay na ako, ang guwapu-guwapo ‘tapos tanggap ako ng pamilya,” paulit-ulit na sabi ni Julia Montes o Mara Schnittka (sa tunay na buhay) dahil sa wakas ay nakaharap na niya ang kanyang biological father na si Martin Schnittka, isang German national.
Ilang oras bumiyahe ang daddy ni Julia para makita siya nang personal at tatlong araw lang magtatagal sa Pilipinas dahil kailangan ding bumalik kaagad sa Germany.
Nakaharap ng young actress ang ama nitong nakaraang Martes, Disyembre 27 kasama ang wife nito at anak na lalaki sa Bellini’s restaurant, Cubao Quezon City na personal na pinili ni Julia dahil kaunti lang ang tao.
Sayang, lagi pa naman kaming kumakain sa naturang resto kung bakit hindi namin naisip na magpunta nitong Martes.
Nakita sana namin nang personal ang pagkikita ng mag-ama.
Humingi kami ng one-on-one interview kay si Julia kahapon, pero nag-beg off siya dahil ipinapasyal niya ang kanyang mga bisita. Ang kanyang handler na si Mac ng Cornerstone Talent Management ang umasikaso sa amin, at nakausap namin sa telepono.
Napaiyak si Mac sa madamdaming unang pagkikita ng mag-ama simula noong isilang sa mundo ang dalaga.
MATAGAL NANG HINAHANAP
“Matagal nang hinahanap talaga ni Julia ang dad niya, actually sumuko na nga siya kasi ang daming nagpapanggap noon,” kuwento sa amin ni Mac. “‘Tapos nu’ng November 1 nga, nagtataka siya, itong CocoJul (fans club nina Julia at Coco Martin), nag-message sa kanya at sinabing, ‘Hi Juls, may nakilala kaming pinsan mo rito sa Germany at mukhang ito ‘yung hinahanap mo.’
“’Binigay kay Julia ‘yung contact number sa Facebook, so chinat niya (ang pinsang nasa Germany). Finally, nako-connect lahat ng informations (tungkol sa ama). Kasi nu’ng una parang ayaw na ni Julia kasi napapagod na nga raw siya baka hindi na naman.
“’Tapos sabi raw nu’ng pinsan niyang babae sa Germany, ‘Your daddy is here, he’s looking for you, etcetera, etcetera.’ ‘Tapos si Julia, kinaibigan daw niya ‘yung pinsan niya hanggang sa pinakitaan siya ng picture ng daddy niya ‘tapos ‘tinago niya sa FB ‘yung picture, ‘tapos ‘pinakita niya sa nanay niya (para makumpirma) kung ‘yun nga ang daddy niya.
ITINAGO NG INA
“Deaf and mute ang mommy ni Julia at nu’ng nakita raw nito ang litrato ng dad niya ay nagulat at ‘tinatanong kung paano nakuha o saan nakita, in sign language.
“Kasi for the longest time, itinago ng mommy niya ang identity ng dad niya, hindi ipinakita ang itsura. Kaya nu’ng nakita ni Julia ang reaksiyon ng mommy niya, alam na niyang ‘yun na nga ang daddy niya.
“Kaya ‘tinuluy-tuloy na ni Julia ang pakikipag-chat sa pinsan niya sa Germany at sinabi nga na, ‘Finally, I have a surprise for you, your dad is coming to the Philippines, he wants to meet you, he loves to see you.’
“Na-happy si Julia, pero at the back of her mind, baka hindi naman matuloy, malulungkot lang siya. Hanggang walang plane ticket at hotel booking hindi raw siya maniniwala.
“’Tapos itong pinsan daw niya ay nag-drive hanggang sa city, kasi doon nakatira ang dad ni Julia, ‘tapos kinausap nga ‘yung daddy niya na may contact na sila at kailangan na nilang magkita.
“Hanggang sa nagpa-book na kasama ang kapatid ni Julia sa daddy at ‘yung wife na gustung-gusto ring makita at makilala si Julia.
DEAF & MUTE RIN
“Sa Novotel Hotel Cubao daw nag-check in. ‘Tapos si Julia, hindi pa rin naniwala kaya ‘pina-check niya sa kakilala niya kung may naka-check in na Martin Schnittka. Siyempre, suspicious pa rin si Julia kasi, di ba, hindi naman mawawala ‘yung baka ibang tao nga naman kasi celebrity siya baka... alam mo na.
“Mayroon naman daw naka-check in, ‘kaso nu’ng tawagan sa kuwarto hindi sumasagot kasi nga deaf and mute rin. Pareho sila ng mommy niyang deaf and mute rin, at pati ‘yung asawa ngayon, deaf and mute rin. Pero silang mga anak, normal naman.
“Kaya nagpahanap si Julia ng restaurant sa Cubao na private na walang masyadong tao, at ‘yun nga, sa Bellini’s, ‘yung pinagsyutingan nina John Lloyd (Cruz) at Bea (Alonzo) ng One More Chance, doon sila nagkita.
NAG-IYAKAN, NAG-SORRY
“Nu’ng nagkita, nagkayakapan. Nu’ng una, pigil pa raw ang emosyon ni Julia, finally nu’ng nagkukuwentuhan na, doon na raw umiyak nang umiyak si Julia.
“Ikinuwento raw lahat ni Julia ang nangyari sa kanya na bata pa siya ay siya na ang nagtatrabaho para sa pamilya niya, nag-artista siya para makatulong at para maipaayos ang bahay nila, mabigyan ng business ‘yung lola.
“Doon na raw umiyak ‘yung tatay ni Julia at panay ang hingi ng sorry, kasi dapat daw obligasyon niya ‘yun. Parang sinabi na, ‘Pasens’ya ka na at umabot ka sa ganyan na dapat ako ‘yan.’ Kaya nag-iiyakan silang mag-ama at sinabi nga ni Julia na okay lang.
“Mutual decision pala ang paghihiwalay ng mom and dad ni Julia kasi hindi nag-work out, so since banyaga ang dad ni Julia kaya bumalik ng Germany, pero hinahanap daw siya matagal na rin, wala lang way kung paano.
“Plano naman daw bumalik ng Pilipinas kasama ‘yung German friend niyang nakakapagsalita na tumutulong sa kanya, ‘kaso na-stroke kaya wala na talagang way para makita. Eh, alam mo naman, mahirap din para sa dad ni Julia na deaf and mute kaya napagod na rin.
“Pero ni-research ng daddy niya si Julia kaya alam niyang artista ang anak at masaya siya. Marami raw tsina-chat ang daddy niya before na nagpapanggap na anak niya, hindi naman tugma sa informations.
“Alam daw ng daddy niya, sikat siyang artista, pero wala raw hinihingi or anything at iniimbita siyang pumunta ng Germany next year kung kailan siya may time.
RELO AT MEMORIES
“Siyempre Christmas time kaya tinanong ko kung ano’ng regalo niya. Sabi ni Julia, ‘Kasi, siyempre, Kuya Mac hindi ako sure kung siya nga talaga ‘yung dad ko kaya bumili ako ng relo na hindi naman ganu’n kamahal, pero hindi rin ganu’n kamura. Ayokong bumili ng masyadong mahal.
“Kaya nu’ng nagkita sila at nalaman niyang ‘yun na, wala na siyang choice kasi nabili na niya ‘yung relo. Next time raw bibilhan niya ng mahal na. Bukod sa relo ay gumawa si Julia ng memory bank na kinaroroonan ng lahat ng pictures niya simula noong bata pa siya para may memories sa kanya ang daddy niya.
“At ang nakakatuwa pa ay kasundung-kasundo raw ni Julia ‘yung wife ngayon ng tatay niya, as in, pati half-brother daw niya kasundo rin niya,” mahabang kuwento ni Mac.
REUNION NG MAGBARKADANG PARENTS
Pagkatapos kumain ay isinama ni Julia ang ama at ang asawa’t anak nito sa bahay nila sa eksklusibong subdibisyon sa Quezon City.
“Sabi ni Julia, ipinakita niya sa dad niya ang bahay na na’pundar niya at nagkita nga roon ang mommy niya at ang dad niya na nagulat siya kasi parang barkada raw na tawanan nang tawanan at kuwentuhan,” siyempre sa sign language.
Hindi nabanggit sa amin ng handler ni Julia kung present din nang mga sandaling iyon ang stepdad ng dalaga at ang kanyang dalawang kapatid sa ina.
Nabanggit ng dalaga na hihingi siya ng bakasyon pagkatapos ng seryeng Doble Kara sa 2017 para madalaw ang ama sa Germany.
Tanong namin, kasama ang ina?
“Sana raw kung gustong sumama, pero ayaw naman daw niyang biglain kasi siyempre, may sarili na ring pamilya rito.
Sabi pa raw ni Julia: “Ang ganda ng istorya ng buhay ko, ang ganda ng 2016 ko, akala ko hindi ko na makikita ang tatay ko, kasi buong buhay kong dadalhin ito sa dibdib ko.”
Biniro namin si Mac na puwedeng i-feature sa Maalaala Mo Kaya ang buhay ng dalaga.
WALA PANG EKSENA SI COCO
Sa ipina-schedule naming one-on-one interview kay Julia kahapon, nakiusap ang dalaga na pagkatapos na lang ng Bagong Taon.
“Kasi ipinasyal niya ang daddy niya at family nito kahapon, bonding moment pa. Kasi bukas (ngayong araw), babalik na sila ng Germany, ihahatid ni Julia. Nakakatuwa, ang saya-saya ngayon ni Julia,” masayang tinig ni Mac sa kabilang linya.
Humirit siyempre kami ng tanong kay Mac, kung ipinakilala na rin ba ni Julia si Coco Martin sa daddy niya.
“Hindi raw, hindi raw, ha-ha-ha. Saka busy naman si Coco, walang time,” tawa nang tawang sagot ni Mac.
Samantala, abut-abot ang pasasalamat ni Julia sa CocoJul fans club na gumawa ng paraan para mahanap niya ang kanyang tatay. (REGGEE BONOAN)