MISTULANG naglunsad si United States President-elect Donald Trump ng kumpetisyon sa nukleyar na armas nang ihayag niya, sa pamamagitan ng Twitter—ang pinili niyang paraan ng komunikasyon—na ang Amerika “must greatly strengthen and expand its nuclear capability until such time as the world comes to its senses regarding nukes.”
Kalaunan, ipinaliwanag niya ito sa panayam sa kanya ng isang pang-umagang programa sa telebisyon. “Let it be an arms race,” sabi niya. “We will outmatch them at every pass and outlast them all.”
Ang pahayag na ito ni Trump ay kumatawan sa napakalaking pagbabago sa polisiya ng Amerika sa papel ng mga nukleyar na armas bilang depensa. Mayroong arms control treaty ang Amerika sa Russia. Sa nakalipas na mga dekada, tumalima sila sa polisiya na nagbabawas sa mga inimbak nilang nuclear warhead.
Iniimbak ng Amerika ang nasa 4,500 warhead, na 1,500 sa mga ito ang naka-deploy sa layuning pakawalan sa mga pinupuntiryang kaaway na lungsod at base-militar sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Sinasabing hindi naman naiiba rito ang nuclear armaments ng Russia. Binubuo ng dalawang bansa ang 90 porsiyento ng mga umiiral na nukleyar na armas sa mundo.
Tuluy-tuloy na binabawasan ng Amerika at Russia ang mga nukleyar na armas na ito alinsunod sa kanilang tratado.
Nakatakda silang mabigyang katuparan ang mga target na ito sa Pebrero 2018, sa pagsang-ayon nila sa karagdagan pang pagbabawas sa mga ito sa susunod na limang taon. Ngayon, mistulang nabalewala ang lahat ng ito sa 140 na salitang tweet ni Trump, na inilarawan ng mga eksperto sa nukleyar na armas bilang “bizarre, unprecedented, and completely out-of-bounds behavior for a president-elect.”
Ang tweet ni Trump ay dulot marahil ng mga inihayag ni Russian President Vladimir Putin sa taunang marathon news conference nito na kailangang ipagpatuloy ng Russia ang pagsasamoderno ng sandatahang lakas nito, kabilang ang mga pag-aarmas na nukleyar, ngunit dapat na bawasan na ang antas ng paggastos para rito sa mga susunod na taon. Ang deployment ng mga missile ng NATO sa mga bansa sa paligid ng Russia ay sinasabing labis na ikinasasama ng loob ni Putin.
Ito ang sinasabing nagbunsod ng reaksiyon para mag-tweet si Trump na palalawakin niya ang kakayahang nukleyar ng Amerika at ang United States “[would] outmatch them at every pass and outlast them all.”
Kaagad namang kumabig ang mga tagasuporta ni Trump sa sinasabing nuclear threat niya. Ikinatwiran ng isa na ibig marahil ipakahulugan ni Trump na dapat nang isailalim sa modernisasyon ang nuclear arsenal ng Amerika. Sinabi naman ng isa pang tagapagsalita na binigyang-diin lamang ni Trump ang pangangailangang mapag-ibayo ang kakayahan sa depensa ng Amerika “as a vital way to pursue peace through strength.”
Una nang pinayuhan si Trump na huwag nang isapubliko ang kanyang sariling mga opinyon hanggang sa makapanumpa siya sa tungkulin bilang bagong presidente ng Amerika sa Enero 20, 2017. Ngunit hindi nito mapipigilan ang pagkabahala ng maraming pinuno sa mundo tungkol sa bagong pangulo ng Amerika. Makiisa tayo sa pag-asam na ibig lang niyang bigyang-diin ang pangangailangang maging higit na matatat at makapangyarihan ang sandatahan ng Amerika upang tiyakin ang kapayapaan, at hindi niya iginigiya ang Amerika at ang mundo sa bagong kumpetisyon sa pagkakaroon ng nukleyar na armas na isang malinaw na banta sa paglalaho ng lahat ng buhay sa daigdig sa pinaka-hindi inaasahang pagkakataon.