ISULAN, Sultan Kudarat - Naniniwala ang Midsayap Police na posibleng may kinalaman sa paghihiganti ng mga grupong sangkot sa droga sa matatagumpay na operasyon ng pulisya laban sa kanila ang pagsabog ng granada sa harap ng isang Simbahang Katoliko sa Barangay Poblasyon 2, Midsayap, North Cotabato, na ikinasugat ng 13 katao, kabilang ang isang pulis, nitong bisperas ng Pasko.

Ayon kay Supt. Bernard V. Tayong, OIC ng Midsayap Police na isang M51 fragmentation grenade ang pinasabog at ikinasugat nina SPO4 Johnny Caballero, ng Midsayap Police; Cheysser M. Rosete, 28, may asawa, ng Bgy. Poblasyon 4; Ronaldo V. Celis, 15, estudyante, ng Bgy. Poblasyon 6; Arnel Silvano at Jennlyn Silvano, kapwa taga-Bgy. Kimagango; Rigor S. Pedroso, 27, binata, ng Bgy. Poblasyon 2; at Jufer T. Asis, 26, binata, ng Bgy. Poblasyon 7.

Nasugatan din sa pagsabog sina Little Joy T. Singko, 33, ng Bgy. Poblasyon 7; Jonel R. Orquiza, 14, ng Bgy. Poblasyon 6; Jessa May C. Banlawi, 19, dalaga, ng Bgy. Sadaan; Kent Steven R. Pacquiao, 16, ng Bgy. Poblasyon 6; Russel Palam Jarayan, 17, ng Bgy. Poblasyon 6; at Lea Butan, ng Bgy. Poblasyon 7, pawang sa Midsayap.

Tatlong sasakyan din ang napinsala, kabilang ang mobile patrol (SKA-130) ng pulisya, isang Hyundai Accent (PQQ-774) na pag-aari ni Ryan Parreñas, 27, ng Bgy. Poblasyon 1; at ang Toyota Hi-Lux (PQN-552) ni Grace Dumapac Tagle, ng Bgy. Central Glad.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Batay sa pagsisiyasat ng pulisya, dakong 9:28 ng gabi nang isang hindi pa kilalang lalaki na nakasuot ng striped T-shirt ang nakitang naghagis ng isang bilog na bagay sa nakaparadang mobile patrol ng pulisya na nasa lugar para tiyakin ang seguridad ng huling Simbang Gabi habang nagmimisa sa Sto. Niño Church.

Kaugnay nito, tiniyak ni Tayong na may tinutumbok na silang responsable sa insidente, habang umani naman ng galit at batikos ang insidente, kasabay ang mariing pagkondena ng simbahan sa insidente. (LEO P. DIAZ)