NAGLUNSAD ng programa ang pamahalaang panlalawigan ng South Cotabato na magbabantay at susuri sa waste management practices ng mga pampubliko at pribadong ospital at mga klinika sa buong probinsiya.

Inihayag nitong Martes ni Elbe Balucanag, senior environment management specialist ng Provincial Environment Management Office (PEMO), na alinsunod ito sa implementasyon ng lokal na pamahalaan sa Provincial Ordinance No. 6, series of 2016, o ang Health Care Waste Management Ordinance.

Sinabi niya na partikular nilang sinusuri ang pagsunod ng mga ospital at klinika sa pamantayan ng gobyerno sa pamamahala ng mga infectious waste.

Kinakailangang tumalima ang mga pasilidad sa iba’t ibang operational requirement na naaayon sa Environmental Management Bureau ng Department of Environment and Natural Resources, Department of Health at mga local government unit.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Sa lahat ng ‘hindi ko na kaya,’ nanatili Siyang tapat

“The assessment covers eight private hospitals and clinics operating within the province,” aniya.

Pinapangunahan ito ng technical working group na kinuha ng PEMO.

Ang walong pasilidad ay ang Dr. Arturo Pingoy Medical Center, Allah Valley Medical Specialists Center and Hospital, Socomedics Medical Center at ang South Cotabato Provincial Hospital sa Koronadal City; Surallah Community Hospital, Landero Clinic and Hospital at Lariosa Clinic and Hospital sa Surallah; at, ang Clinica Luntao Inc. sa Sto. Nino.

Ayon kay Balucanag, nilalayon nilang makumpleto ang pagsusuri sa walong pasilidad bago matapos ang taon.

Magbibigay sila ng rekomendasyon at kung ano ang natuklasan nila sa mga nabanggit na ospital at klinika.

“More facilities are lined up for our monitoring and assessment next year,” ani Balucanag.

Naaayon ang Health Care Waste Management Ordinance sa pagpapatupad ng P5.1 million waste treatment facility para sa mga basura ng ospital ng provincial government nitong Oktubre.

Matatagpuan ang pasilidad sa limang ektaryang Intergrated Provincial Environment Management Center sa Barangay Tinongcop sa bayan ng Tantangan.

Nagsisilbi bilang unang pag-aari ng lokal na pamahalaan at nagpapatakbo ng health care waste treatment plant, itinatampok nito ang pyroclave systems technology ng hospital wastes treatment firm na Rad Green Solution na nakabase sa Davao City.

May kakayahan ang nailagay na pyroclave machine, na gumagamit ng pyrolysis o pagsunog ng mga basura sa napakainit na temperatura, na tumupok ng halos 50 kilong medical wastes kada oras at na umaabot sa “80 percent volume reduction and 50 percent weight.”

Dinisenyo ito para magamit sa loob ng 24-oras at maiproseso ang halos 1,200 kilograms ng mga basura, ngunit plano lamang ng lokal na pamahalaan na patakbuhin ito ng walong oras kada araw na magpoproseso ng halos 400 kilong basura.

(PNA)