BAGAMA’T naudlot ang bonus para sa mga opisyal at tauhan ng Philippine National Police (PNP), natitiyak ko na ito ay naghatid ng hudyat ng paglalamangan hindi lamang sa naturang organisasyon ng pulisya kundi maging sa ibang grupong pangseguridad at mga sektor ng mga lingkod-bayan. Tiyak na magkahalong pangingimbulo at pagdaramdam ang kanilang naibubulong: “Paano naman kami?”

Sa naturang pahayag ng Duterte administration na sinasabing ipinagpaliban o talagang hindi na ipatutupad, ang matataas na opisyal ng PNP ay tatanggap ng daan-daang libong pisong bonus; ang ordinaryong pulis ay pagkakalooban naman umano ng 20 kilong bigas o ng halagang katumbas nito.

Ang pagkakaloob ng naturang dagdag na biyaya ay batay sa tindi ng kanilang partisipasyon sa maigting na kampanya sa paglipol ng ilegal na droga at mga taong sangkot dito, kriminalidad at kurapsiyon. Hindi ba higit pang mapanganib ang ginampanang misyon ng karaniwang mga pulis sa pakikidigma sa pushers, users at drug lords? Hindi ba ang ilang pinuno ng pulisya na may mga estrelya sa balikat ay kukuya-kuyakoy lamang sa kanilang mga air-conditioned quarters?

Nakapanlulumong marinig ang hinaing ng isang pulis: Kamuntik ko nang ikinamatay ang ‘Tokhang’ operation sa drug den. Ganito rin ang panawagan ng isang sundalo na nasugatan sa pakikipaglaban sa mga Abu Sayyaf Group (ASG): Kaunting bonus sana para sa aking pamilya.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Hindi rin maiiwasang humiling ng dagdag na benepisyo ang mga guro. Laging sinasabi ng kaibigan kong college instructor: “Totoo na ang mga alagad ng batas ang may pangunahing misyon sa pagpuksa ng droga upang mailayo sa mapanganib na bisyo ang mga kabataan. Subalit totoo rin naman na ang mga guro ang humuhubog ng kaisipan ng mga kabataan upang sila ay maging makabuluhang mamamayan ng ating bansa.”

Maging ang mga kawani ng Department of Agriculture (DA) at iba pang kagawaran na kasangkot sa pagsusulong ng programang pangkaunlaran ay may karapatan din namang humiling ng kahit bahagyang biyaya sa administrasyon. Malaki ang ginagampanan ng DA sa pagtatamo natin ng sapat na ani ng palay at iba pang agricultural products, lalo na ngayon na ito ang pinagtutuunan ng panahon ng pamahalaan.

Sa pagkakaloob ng dagdag na benepisyo sa mga dapat damayan, marapat lamang maging patas ang administrasyon upang maiwasan ang paglalamangan na nagiging ugat ng pagkakawatak-watak ng mga mamamayan. (Celo Lagmay)