“SAAN planeta kayo galing at anong kapangyarihan ninyo para sirain ang aking bayan? Wala kayong karapatang sirain ang kinabukasan ng mga kabataan. Papatayin ko kayo.” Mga salitang laging binibigkas at naririnig natin kay Pangulong Digong sa tuwing magsasalita siya sa mga pampublikong pagtitipon na kanyang dinadaluhan bilang panauhing pandangal. Ang kanyang pinatutungkulan at pinagbabantaan ay ang mga taong sangkot sa droga. Maganda sa pandinig ang emosyonal na katwirang ito ng Pangulo at malakas humatak ng suporta para sa kanyang patuloy na pakikidigma laban sa ilegal na droga. Mababakas dito ang kanyang katapangan, katapatan at determinasyong pangalagaan ang kapakanan ng kanyang bayan at mamamayan.
Ang napakalaking problema ay hindi siya ang pumapatay. Kung siya lang, magagawa niya ito ayon sa sinasabi niyang panuntunan: Patayin mo kapag nalagay ang iyong buhay sa panganib, kapag nanlaban ang iyong inaaresto. Legal naman kasi ito dahil pagtatanggol ito sa sarili at sa kapwa. Pero, sa mga pulis at militar niya ibinigay ang pagpatay na walang limitasyon ang kanilang oportunidad para itaguyod ang kanilang sariling agenda. Kayo, tingnan ninyo ang nangyayari ngayon.
Hindi lahat ng napapatay at pinapatay ay sangkot sa droga. Kahit ang mga napatay ay gumamit o tulak ng droga, hindi naman nanlaban ang mga ito. Iyong iba sa loob ng kanilang barung-barong at namamahinga na kasama ang kanilang mga mahal sa buhay nang sila ay banatan. May mga bata at inosenteng sibilyan ang nadamay. Naririnig ang Pangulo na sinasabi niya na nang magsimula siyang manungkulan, ang naiwang salapi sa kaban ng bayan ay para lang mamintina ang operasyon ng gobyerno. Sa dami ng mga sangkot sa droga, wala raw pangsustento ang gobyerno sa mga ito para sa kanilang rehabilitasyon. Kaya, aniya, pinapatay ko na sila. Bagamat sinabi niyang nagbibiro lang siya, eh, sineryoso naman siya ng kanyang mga tagasunod. Pumapatay din ang mga ito dahil para bang naniniwala sila sa kanya na ang mga lulong na sa droga ay wala nang silbi dahil kumitid na ang kanilang pag-iisip. Hindi isinaalang-alang dito na ang pagkalulong sa droga ay karamdaman at pagkalinga ang kanilang kailangan at hindi kamatayan.
Higit na marami pa ang nasisiyahan sa ginagawa ng Pangulo sa pagsugpo sa... ilegal na droga sa paraang may pinapatay araw-araw. Naging payapa na raw ang kapaligiran at ligtas na silang maglakad sa kalye anumang oras. Wala na raw mga adik na dati ay nagkalat na namemerhuwisyo sa kanila. Maaaring totoo na ganito ang ibinubunga ng kampanya ng Pangulo laban sa droga. Pero, pansamantala lamang ang ibinibigay sa inyong kaginhawahan. Hindi magtatagal, babalik ang takot ninyo. Matindi ninyo itong nararamdaman kung patuloy ang nangyayaring pagpatay. Maglilipana na sa kalye at inyong kapaligiran, hindi na ang mga adik kundi ang mga bangkay at bahala na sila kung ano ang kanilang gagawin.
(Ric Valmonte)