IKATLONG Linggo ngayon ng Adbiyento batay sa liturgical calendar ng Simbahang Katoliko. Ang araw na ito ay tinatawag ding GAUDETE Sunday o Linggo ng KAGALAKAN. Katulad ng una at ikalawang Linggo ng Adbiyento, bahagi ng misa, bago basahin ng pari ang Ebanghelyo o Gospel, ang pagsisindi ng ikatlong advent candle na kulay rosas.

Sa iba’t ibang parokya sa iniibig nating Pilipinas, ang nagsisindi ng advent candle ay ang piniling mag-asawa sa parokya. Matapos itong sindihan ay may maikling panalangin na binabasa ang mag-asawang nagsindi ng kandila.

Ang apat na Linggo ng Adbiyento ay paghahanda sa pagdating ng ating Mananakop. Ang unang pagdating ay ang pagdiriwang ng Pasko sa Disyembre 25 na araw ng pagsilang kay Jesus na ating Mananakop. Ang ikalawang pagdating ng Mananakop ay bilang Hukom ng lahat ng tao.

May sinasagisag ang apat na kandila ng adbiyento. Ang unang kandila ay simbolo ng PAG-ASA bilang paghahanda sa pagdating ng Mananakop. Ang ikalawang kandila ay simbolo ng PAG-IBIG at ang ikatlong kandila ay simbolo ng KAGALAKAN.

Night Owl

Marupok ang demokrasya—ngunit nasa mamamayan ang tunay na lakas nito

Habang ang ikaapat na kandila ay simbolo ng KAPAYAPAAN.

Sa panahon ng Adbiyento, ang vestment ng mga pari sa pagmimisa ay kulay violet. Gayundin sa iba’t ibang ritwal sa loob ng simbahan. Ang choir naman sa mga simbahan sa iba’t ibang parokya ay umaawit ng mga Advent song na kinatha ng National Artist na si Maestro Lucio D. San Pedro. Isa na rito ang mga HIMNONG PANG-ADBIYENTO na isinulat noong Setyembre 1986. Ito ay binubuo ng tatlong awit. Una ay ang Pambungad na Awit na kinakanta bago magsimula ang misa.

Ang ikalawa ay ang Awit sa Komunyon at ang ikatlo ay Pangwakas na Awit. Sa parokya ni San Clemente sa Angono, Rizal na bayan ni Maestro Lucio San Pedro, sabay kinakanta ng choir at mga nagsisimba ang Mga Himnong Pang-Adbiyento.

Ganito ang lyrics ng Pambungad na Awit: “Ang Panginoo’y darating/ kasama ng mga anghel/ kailan ma’y ‘di magdidilim/ Laging nagniningning/ ang liwanag Niya sa atin./ Halina, halina/ kami ay harapin/ Panginoon, Panginoong pastol namin/ sa luklukan mong Kerubin/ Dinggin mo ang aming hiling/ na kami’y ‘yong tubusin.

Ganito naman ang lyrics ng Awit sa Komunyon: “Mamuhay tayo nang banal/ sa daigdig na papanaw/ samanalang naghihintay/ para sa dakilang araw/ ni Hesus na Poong marangal./ Ang sabi ni Hesukristo/ Talagang darating ako/ at bibigyan kong totoo/ ng gantimpala ang tao/ sa ginawa niya sa mundo./Darating, darating ang hinihintay/ Darating, darating Poong kinasabikan/ ng mga bansa at bayan/ Mapupuspos ng kariktan/ ang tahanan ng Maykapal.”

Ang Pangwakas na Awit ay ganito naman ang lyrics: “Nagpupuri sa Maykapal/ ang buo kong kalooban/Dahil sa kadakilaan/ ng ginawa Niyang tanan/ sa Kanyang kapangyarihan. /Purihin, Purihin nating ang Diyos/ Purihin ang Diyos”.

(Clemen Bautista)