ANG mga tao na positibo ang pananaw sa mga bagay-bagay ay mas humahaba ang buhay, saad ng isang pag-aaral sa US na inilabas nitong Miyerkules.
Sinuri sa pag-aaral, na inilathala ng American Journal of Epidemiology, ang mga datos mula 2004 hanggang 2012 sa 70,000 babae na nag-enrol sa Nurses’ Health Study, ang mahabang pag-aaral na sumusubaybay sa kalusugan ng kababaihan sa tulong ng mga survey kada dalawang taon.
Siniyasat ng mga mananaliksik ang level of optimism at iba pang mga dahilan kung paano naaapektuhan ng pagiging positibo sa buhay ang mortality risk, tulad ng lahi, high blood pressure, diet, at pisikal na aktibidad.
Napag-alaman na ang most optimistic women ay halos 30 porsiyentong mas mababa ang panganib sa pagkamatay sa anumang sakit na sinuri sa pag-aaral kumpara sa mga babaeng hindi positibo ang pananaw.
Ang most optimistic women ay mas mababa ng 16% ang panganib na mamatay sa cancer; 38% na mababa ang panganib sa pagkamatay sa sakit na puso; 39% sa stroke; 38% sa mga respiratory disease; at 52% sa impeksiyon.
Dating naiugnay ng mga pag-aaral ang pagiging positibo sa pagbaba ng panganib sa maagang kamatayan dulot ng cardiovascular problem, ngunit ito ang unang resulta na nag-uugnay sa pagiging positibo at sa pagbaba ng panganib sa mga pangunahing dahilan.
“While most medical and public health efforts today focus on reducing risk factors for diseases, evidence has been mounting that enhancing psychological resilience may also make a difference,” saad ni Eric Kim, research fellow sa Harvard T.H. Chan School of Public Health at co-lead author ng pag-aaral.
“Our new findings suggest that we should make efforts to boost optimism, which has been shown to be associated with healthier behaviors and healthier ways of coping with life challenges.”
Napag-alam din sa pag-aaral na bahagya lamang ipinapaliwanag ng healthy behavior ang pagkakaugnay ng pagiging positibo sa pagbaba ng mortality risk. Isa sa posibilidad ay ang direktang epekto ng pagiging positibo sa ating biological system, ani Kim. (PNA)