NAG-RESIGN na si VP Robredo bilang pinuno ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC). Kasi, nakatanggap siya ng text message mula kay Cabinet Secretary Leoncio Evasco na pinipigil na siyang dumalo sa Cabinet meeting sa utos ni Pangulo Digong. “Paano ko epektibong magagampanan ang aking tungkulin bilang secretary ng HUDCC kung hindi na ako makadadalo sa Cabinet meeting,” paliwanag ni VP Robredo.
May mga departamento, aniya, na katulong ng HUDCC sa pagganap nito ng kanyang tungkulin, eh sa mga Cabinet meeting niya maiging nakakapulong ang mga pinuno nito para mapag-ugnay nila ang kanilang trabaho. Kaya, kahit sinabi ng Palasyo na hindi siya pinagbibitiw kundi pinagbabawalan lang siyang dumalo sa Cabinet meeting, nagbitiw na rin siya bilang housing secretary.
Pagkapanalo ni Pangulong Digong, nasabi niyang hindi niya hihirangin si VP Robredo sa anumang posisyon sa kanyang Gabinete. Kaya, sa mga nauna niyang pinili, hindi kasama ito sa kanyang mga iniharap sa media sa Davao City. Hindi nagtagal, tinawagan niya at inalok maging chairman ng HUDCC na malugod naman nitong tinaggap.
Ang problema, mag-isa pala niyang pinatakbo ang kanyang departamento. Inupuan ng Pangulo ang ibinigay niyang mga tao para hirangin nito na makakatulong niya. Sa kasalukuyang budget na mahigit isang trilyong piso, tinapyasan ng mahigit na 19 na bilyong piso ang dating nakalaan dito. Hindi rin nilagdaan ni Pangulong Duterte ang executive order na naglalayong maging epektibo ang HUDCC.
Marahil napagtanto ng Pangulo na mahirap masunod ang nais niyang mangyari na ang grupo ng mga taong magkakaiba ang simulain at paninindigan ay makakatuwang niya sa pagpapatakbo ng gobyerno ayon sa kanyang kagustuhan. Sa simula pa naman ay alam na niya na si VP Robredo ay human rights lawyer. Kaya, noong nakaraang halalan ang isyung human rights ang matingkad na namagitan sa kanila ng kalaban niyang si dating Senador Bongbong Marcos. Lahat ng mga naging biktima ng martial law at kalaban nito ay pumanig at aktibong nangampanya para kay Robredo. Ang nagpataw kasi ng batas militar na ang bunga ay malawakang paglabag sa karapatang pantao ay ang ama ng Senador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Kaya, kahit nasa loob ng Gabinete si Robredo, kumilos din siya na siya, tagapagtaguyod at tagapagtanggol ng karapatang pantao. Naging kritikal siya sa administrasyong Duterte sa mga isyung labag dito tulad ng extrajudicial killing at Marcos burial sa Libingan ng mga Bayani. Maaaring ang hindi na katanggap-tanggap sa Pangulo ay iyong pagdalo na niya, dahil naimbitahan siya, sa seremonyang naganap sa Bantayog ng mga Bayani kung saan nadagdag dito ang ilan sa mga kinilalang bayani... noong EDSA revolution gaya ni Inquirer editor-publisher Letty Magsanoc. Pero, dapat nang asahan ang paghihiwalay na ito ni Pangulo Digong at VP Robredo dahil sa Pangulo, iba ang kahulugan ng karapatang pantao at due process sa kanyang ginagawang kampanya laban sa ilegal na droga. Sa isyung ito may mga susunod pang hihiwalay sa Pangulo na sinimulan ni National Historical Commission Chair Maria Serena Diokno. (Ric Valmonte)