Nasa balag na alanganin ngayon ang alkalde ng Balayan, Batangas, gayundin ang isang dating hepe ng pulisya at isang barangay chairman kaugnay ng reklamong inihain ng isang 14-anyos na babae sa Department of Justice (DoJ) laban sa kanila.

Pormal nang inihain sa DoJ ang kasong rape laban kay Balayan Mayor Emmanuel Fronda, Jr. habang kasong qualified seduction naman ang isinampa laban kay Chief Insp. Christopher Guste, dating hepe ng Balayan Police; at Romero Fronda Erilla, chairman ng Barangay 12 ng Balayan.

Sa sinumpaang salaysay ng dalagita sa National Bureau of Investigation (NBI), sinabi niyang Hunyo 24, 2016 nang gahasain umano siya ng alkalde sa Alves Lodge, bago inabutan siya ng P2,000.

Hulyo 8, 2016 nang i-text naman umano ni Guste ang biktima, tinanong kung kailangan ng pera hanggang sa magkita sila at dinala rin sa Alves Lodge bago binigyan ng P400.

Probinsya

Lolang bibisita sa City Jail, timbog matapos mahulihan ng ilegal na droga

Hulyo 3, Hulyo 20 at Agosto 3, 2016 naman nang dalhin umano ang dalagita ng barangay chairman sa nasabi ring lodge, nakipagtalik umano sa kanya at binigyan din siya ng pera.

Una nang nagsampa ng kasong administratibo ang biktima laban sa tatlo sa Office of the Ombudsman.

Nasa pangangalaga ngayon ng Department of Social Welfare and Development ang dalagita. (Beth Camia)