MASAYA ang buwan ng Disyembre para sa marami dahil sa pinakahihintay na pagdiriwang ng Pasko. Panahon din ito ng pagbibigay ng Christmas bonus at 13th month pay sa mga empleyado mula sa mga may pusong employer.
Sa larangan ng pamamahayag, mahalaga ang unang araw ng Disyembre para sa mga naglilingkod sa pahayagang BALITA, at ngayong taon ay ipinagdiriwang ang ika-45 anibersaryo ng maituturing nang institusyon sa larangan ng peryodismo. Kung ihahambing sa buhay ng tao, masasabing punung-puno na ng iba’t ibang karanasan na may iba’t ibang mukha at anyo ang 45 taong nakalipas; may mga kabiguan at may mga napagtagumpayan.
Tuwing umaga, kabilang ang BALITA sa mga pahayagang binabasa ng ating mga kababayan, nasa newsstand sa Metro Manila at sa mga lalawigan. At sa paglipas ng mga taon, patuloy na tinangkilik ng mga mambabasa ang BALITA, pinagkukunan ng mga news item na binabasa rin sa radyo at telebisyon. Nasa mga library ng public at private schools din ang BALITA, binabasa bilang reference ng mga estudyante.
Sa pagbabalik-tanaw, nang ibagsak ng diktador na si Pangulong Ferdinand Marcos ang Martial Law, nasupil at nasikil ang pamamahayag, sa print at broadcast media. Ngunit sa pagsupil na iyon ay hindi nawalan ng pag-asa at lakas ng loob si Clodualdo del Mundo, kilalang manunulat, nobelista at editorial director ng Liwayway Publishing, Inc. para maglabas ng isang pahayagan sa Pilipino. Natupad ang kanyang hangarin at noong Disyembre 1, 1972, isinilang ang pahayagang BALITA, na masasabing “anak” ng Liwayway Magasin.
Ang unang editor ay ang kilalang peryodista na si G. Domingo Quimlat, katuwang ang staff members niya na pawang mahusay ding manunulat, tulad nina C. C. Marquez, Jr. Art Gole Cruz, Ching Ilagan, Conradio Magadia at Mario S. Cabling.
Naging editor din ng BALITA si Ka Celo Lagmay (kolumnista ngayon), na kauna-unahang manunulat sa Pilipino na naging Pangulo ng National Press Club. Nang maging assistant press secretary sa Malacañang sa panahon ni Pangulong Fidel V. Ramos, pinalitan siya ni Rod Salandanan, na noo’y editor-in -chief ng Liwayway Magasin. Makalipas ang ilan taon, nagbalik bilang editor ng BALITA si Ka Celo.
Nalipat ang BALITA sa Manila Bulletin Publishing Corp. noong Abril 17, 2005. Ang patnugutan ay binuo nina Dr. Cris Icban Jr., Ariel Borlongan at Danny Valdez. Kasabay nito, nagbagong-bihis ang BALITA; naging apat na kulay na ang front page nito, gayundin ang ibang section ng pahayagan, habang patuloy na sinuportahan ng mga reporter at mga provincial correspondent.
Kasunod na naging editor ng BALITA si G. Fort Yerro taong 2008, habang 2010 naman nanungkulan bilang editor ng pahayagan si Aris Ilagan.
Talagang mabilis ang panahon, 45 taon na ngayong Disyembre 1, 2016 ang BALITA. Kung may mga kabiguan man ay mas marami naman ang nakamit nitong tagumpay sa larangan ng pamamahayag. Mababanggit na lantay na halimbawa ang limang taong sunud-sunod na kinilala ng Gawad TANGLAW—isang samahan ng mga propesor sa mga kolehiyo at pamantasan sa bansa—ang BALITA bilang Best Newspaper in Filipino. Sinimulang parangalan ng Gawad TANGLAW ang BALITA noong 2008 hanggang 2012. At noong 2013, ang BALITA ay naging kauna-unahang Best Newspaper in Filipino Hall of Famer ng Gawad TANGLAW.
At sa pamamatnugot ngayon ng mahusay na peryodistang si Venus T. Requejo, sa pagsapit ng ika-45 taon ng BALITA, ipagpapatuloy niya ang pangunahing misyon ng pahayagan na maging instrumento sa larangan ng pamamahayag; patuloy na maglilingkod at maninindgang lagi sa katotohanan, katarungan at kalayaan. (CLEMEN BAUTISTA)