NANG lumambot ang paninindigan ni Pangulong Duterte laban sa mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG), ‘tila nahalata niya ang sinasadyang pagsabotahe ng iba’t ibang grupo ng mga kriminal sa kampanya ng gobyerno hinggil sa paghahari ng ganap na katahimikan sa bansa. Taliwas sa kanyang naunang utos na durugin ang rebel groups, nais niyang harapin ngayon ang ASG para sa isang peace talks. Nangangahulugan na walang ibubungang positibo ang pakikidigma sa naturang mga grupo na walang ibang adhikain kundi maghasik ng karahasan sa mga komunidad.
Subalit kaagad namang sinagkaan ng ASG ang naturang hangaring pangkapayapaan ng Pangulo. Sa pamamagitan ng isang umano’y awtoridad ng nasabing grupo, halos imposibleng maganap ang hinahangad na peace talks sa panahong ito.
Masyadong panatiko ang grupo ng ASG at hindi nila kaagad maititigil ang daloy ng mga biyaya na natatamo sa kanilang kasumpa-sumpang kidnap-for-ransom (KFR) activities; milyun-milyong piso at dolyar ang nakukulimbat sa kanilang mga binibihag na kababayan natin, lalo na sa mga dayuhang turista na walang kadala-dalang bumisita sa iba’t ibang tourist spots sa Mindanao.
Totoo na sinasadya ng ASG ang pagsabotahe sa paglipol ng pamahalaan sa krimen; kahit na halos mapuksa ang kanilang grupo, walang puknat ang kanilang pakikidigma sa ating mga kawal at pulis na nakatalaga sa war zone sa Mindanao; kahit na hindi na halos mabilang ang napapatay sa kanilang hanay.
Hindi pa natatagalan na isang German tourist ang kanilang binihag, kabilang na rito ang ilang Indonesian at Malaysian pirates na bumabaybay sa karagatan ng Sabah; sinasabing isang kasamahan ng German ang pinatay ng mga bandidong ASG.
Maging ang Metro Manila ay pinamumugaran na rin ng mga KFR syndicate na walang patumangga sa pagdukot sa mga miyembro ng masasalaping pamilya. Ang naturang... mga sindikato ay pinakikilos umano ng ilang pulis na aktibo pa sa serbisyo.
Tiyak na ito ay ikinagalit ni PNP Chief Director General Ronald dela Rosa, katulad ng kanyang pagkagalit sa pagkakasangkot sa illegal drugs ng ilang opisyal ng pulisya.
Bahagi rin ng pagsabotahe sa kampanya laban sa kriminalidad ang puwersahang pang-aagaw ng tinaguriang Maute Group ng isang bayan sa Lanao del Sur. Aywan ko kung ito ay maituturing na rebelyon.
Sa harap ng nasabing paghahasik ng kaguluhan, hindi kaya makatuwirang suspendihin ng Pangulo ang writ of habeas corpus? (Celo Lagmay)