Dalawang Pinoy skateboard athlete ang sasabak sa una sa serye ng mga torneo para sa pagtatangkang makapagkuwalipika sa 2020 Tokyo Olympic Games sa pagsabak sa Asian Skateboarding Championships simula ngayon sa Xin Jiangwan SMP Skatepark sa Shanghai, China.
Kapwa naging kampeon sa lokal na kompetisyon, target nina Mark Feliciano at Kenneth King Evangelista na makakuha nang sapat na puntos para makakwalipika sa skateboarding event na gaganapin sa kauna-unahang pagkakataon sa Olympics.
Ang torneo na nasa una pa lamang edisyon ay ang pinakaunang ranking competition sapul nang mabalangkas ang programa nito para sa Tokyo Games.
Ang unang Asian continental skateboarding championship na inindorso ng International Skateboarding Federation (ISF) ay inaasahang sasalihan ng mga skateboarder mula sa 15 bansa.
Makakasama rin ng torneo na may ISF sanction ang Skateboard Street Competition (Men & Women) at ang Skateboard Park Invitational Competition (Mixed).
Ang torney ay magsisilbing exposure ng mga Pinoy skateboarders para sa paglahok din sa 2018 Asian Games kung saan isinama rin ang sports na gaganapin sa unang pagkakataon sa Indonesia.
Samantala, hindi naman makakasama si Margielyn Didal mula Cebu na kinilala ng Asian Federation bilang isang world class talent na kayang magwagi ng gintong medalya sa Asian Games gold medal dahil sa iniinda nitong injury at problema sa passport
Ang kakaibang talento ni Didal ay nagbigay rito para makuha ang isang taong scholarship sa Woodward Camp sa America.
(Angie Oredo)