Hangad ng Department of Education (DepEd) na makakasama ang City of Antique bilang host sa idadagdag na sports na chess para sa persons with disability sa pagsasagawa ng 2017 Palarong Pambansa.
Matapos magdesisyon ang mga bumubotong head ng Regional Director kasama ang Palaro Management Committee na binubuo rin ng Department of Interior and Local Government at Philippine Sports Commission na igawad sa City of Antique upang maging punong-abala sa 2017 Palaro.
Isinagawa ang botohan nito lamang Nobyembre 18 sa bumubuo sa Palarong Pambansa Selection Committee kung saan pinili nito ang San Jose de Buenavista, Antique matapos magwagi sa limang boto kontra apat na boto kontra Dumaguete City, Negros Oriental.
Ito ang unang pagkakataon magho-host ang City of Antique sa prestihiyosong torneo para sa kabataang estudyante sa elementarya at sekondarya mula sa kabuuang 18 rehiyon sa bansa na magsisilbing ika-60 nitong edisyon.
Maliban sa chess, isasama rin sa kabuuang 20 sports event na pinaglalaban ang 50-meter at 100 meter run para sa mga persons with disability.
Kinunsidera ang Antique sa pagkakaroon nito ng kumpletong sports facilities kagaya ng Olympic-sized swimming pool, mas pinalaki at pinagandang oval track at sapat na billeting quarters para sa mga delegado.
Paglalabanan sa Palaro ang kabuuang 1,095 medalya na kinabibilangan ng 151 ginto, 151 pilak at 183 tanso sa elementary division habang 187 ginto, 187 pilak at 236 tanso sa secondary division.
Mapapabilang na rin sa mga regular na larong paglalabanan ang futsal na iniangat mula sa pagiging demonstration sport tungo sa pagiging regular sports discipline sa unang pagkakataonl.
Ang iba pang regular sports ay ang archery, arnis, aquatics, athletics, badminton, baseball, basketball, boxing, chess, football, futsal, gymnastics, sepak takraw (Boys), softball, table tennis, taekwondo, tennis at volleyball.
Nanatili naman na demonstration games ang billiards, sepak takraw (girls), wrestling at wushu. Pag-aaralan muli ng organizing committee ang apat na 4 demo sports kung gagawin na regular sport o tuluyang aalisin sa torneo. (Angie Oredo)