Hindi man natuloy ang inaasahang paghaharap sana nina Philippine Olympic Committee (POC) presidentiables Jose “Peping” Cojuangco at Association of Boxing Alliances of the Philippines Victorico “Ricky” Vargas, sinabi ni Senator Manny Pacquiao na hindi siya titigil hangga’t hindi ito naisasakatuparan.
Nakansela ang nakatakda sanang Senate investigation sa alegasyon ng graft and corruption sa POC na pinamumunuan ni Cojuangco matapos magbigay-daan ang Senate Committee on Sports sa budget hearing ng general Appropriation para sa taong 2017.
Una nang itinakda ang inquiry sa Proposed Senate Resolution No. 229 ni Senador Sonny Angara ganap na alas-10 ng umaga, Martes, bagaman iniulat na kinansela Lunes ng umaga. Nalaman sa opisina ni Pacquiao na tuloy ang hearing bago na lamang kinansela Martes ng umaga base sa karampatang utos mismo ng Senado.
Ayon sa kampo ng Senador, itutuloy ang public inquiry sa Nobyembre 29.
Habang isinusulat ito nakatakdang desisyunan ng Pasig Regional Trial Court ang isinampang reklamo ng kampo ni Vargas para hayaan itong makasali sa eleksiyon pati na rin ang paghingi nito ng Temporary Restraining Order (TRO) para pigilan ang pagsasagawa ng eleksiyon.
Hiniling ni Vargas na payagan siya at ideklara ng korte na makatakbo sa laban para sa panguluhan ng POC kalaban mismo ni Cojuangco gayundin ang kumakandidato sa pagka-chairman na si Cavite congressman Abraham “Bambol” Tolentino.
(Angie Oredo)