DAHIL sa mabilis, biglaan at sekretong pagpapalibing kay ex-Pres. Ferdinand E. Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) sa Fort Bonifacio, Taguig City noong Nobyembre 18, tinawag ito ni Vice Pres. Leni Robredo at ng anti-Marcos groups na “Thief of the Night” o “Magnanakaw sa Gabi”.

Komento nga ng ilang netizen, maging sa kamatayan ay naisahan sila ni Pangulong Marcos. Nabigla hindi lamang ang mga tao at grupo na kontra sa FM burial sa LNMB kundi maging ang sambayanang Pilipino dahil may 15 araw pa ang mga kumokontra sa paglilibing upang maghain ng motion for reconsideration sa Supreme Court.

Dahil sa naganap na “pagnanakaw sa gabi”, este bigla, mabilis at sorpresang pagpapalibing sa bangkay ng diktador, sumiklab ang “indignation rallies” sa iba’t ibang lugar sa bansa, partikular na sa Metro Manila, Cebu at iba pang kabisera ng ‘Pinas. Nagtipun-tipon ang mga raliyista sa People Power Monument sa Quezon City, na nagsisilbing memorial sa makasaysayang pag-aalsa ng taumbayan na nagpabagsak sa diktaduryang Marcos noong Pebrero 1986.

Nag-walk out ang mga estudyante mula sa kanilang mga klase at kinondena ang sekreto at “pribadong paglilibing” sa diktador na ang tanging dumalo ay pamilya Marcos. Maging ang pamunuan umano ng AFP ay binigyan lang ng short notice ng Marcos Family hinggil sa simpleng paglilibing. Sinabihan umano sila nina Gov. Imee Marcos at ex-Sen. Bongbong Marcos na nais nilang idaos ang burial sa ganap na 12:00 ng tanghali nitong Nobyembre 18.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: May ‘purpose’ na itinakda ang Diyos sa buhay mo

Samantala, humingi ng paumanhin si Gov. Marcos sa kanilang supporters dahil sa mabilis at biglaang pagpapalibing.

Ikinatwiran ni Imee na minadali ito upang hindi na saktan pa ang mga kontra sa FM burial sa LNMB, na tiyak na dadagsain ng mga tao kapag ito’y isinapubliko.

Sabi naman ng kaibigan kong senior-jogger: “Bakit sa supporters lang sila humingi ng pang-unawa at paumanhin? Dapat ay mag-apologize... rin sila sa mga biktima ng martial law.” Idinagdag pa niyang mali si Pres. Du30 sa paniniwalang maghihilom ang sugat ng kahapon at magkakaisa na ang mga Pilipino sa pagpapalibing kay Marcos sa LNMB. Mali rin umano siya na ang pagkakawatak-watak ngayon ng mga Pinoy ay bunsod lang ng away ng Aquino Family at Marcos Family. Ang tunay na may sama ng loob ay ang mga mamamayang Pilipino na nagdusa at naghirap noong martial law. (Bert de Guzman)